PUERTO PRINCESA CITY
Kinuwestiyon ng Sangguniang Panlungsod ng Puerto Princesa ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP)- Palawan kaugnay sa ipinamahaging Certificates of Ancestral Domain Title (CADT) sa mga katutubong Tagbanua sa lungsod.
Sa regular na sesyon ng City Council noong Lunes, August 13, inimbitahan sa Question and Answer Hour ang pamunuan ng NCIP upang mabigyang linaw kung bakit hindi napaabisuhan ang lokal na pamahalaan maging ang ilan pang ahensiya ng gobyerno hinggil sa distribusyon na isinagawa sa mga barangay ng Simpocan, Napsan at Bagong Bayan.
Sinabi ni Konsehal Victor Oliveros na bagama’t bentahe para sa mga katutubo ang programa, dapat ay naipaalam sa LGU ang hakbang.
Ayon kay Engr. Rafael Abaa, kinatawan ng NCIP-Palawan na humarap sa plenaryo, bago sila nagsimula ng delineation, nagpadala sila ng notice sa mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno kasama ang LGU.
“Pag na-survey na po nagkakaroon po muna ng deliberation. Sa umpisa pa lang po, kung hindi tama ang ginawang proseso ng NCIP dito sa baba ibabalik ‘yan ng Commission en banc, at pagkumpleto na sa huling pagbasa saka po gagawa ng titulo,” paliwanag ni Abaa.
Tiniyak pa ni Abaa na napadalhan nila ng technical description ang lahat ng mga kinauukulan tulad ng DENR at PCSD matapos na hilingin ni Konsehal Peter Maristela na mabigyan ng kopya ang lahat ng ahensiya maging ang pamunuan ng mga barangay.
Nilinaw din ng NCIP na ang 49,000 hectares na pasok sa CADT ay timberland at hiwalay ito sa mga Alienable and Disposable na lupain.
Bukod dito, niliwanag din ni Abaa na hindi titulo ang ipinamahagi ng mga opisyal ng komisyon kundi kopya ng resolusyon mula sa NCIP En banc na kumikilala sa ancestral domain ng mga katutubong Tagbanua bilang bahagi ng selebrasyon ng World Indigenous Peoples’ Day.
Ang paglilinaw niyang ito ay kasunod ng katanungan ng mga miyembro ng konseho sa katiyakang hindi maapektuhan ang kasalukuyang pribadong okupante sa lugar na sakop ng CADT.
Bunsod nito, nagmungkahi si Maristela na magkaroon information education campaign sa mga barangay kaugnay sa nilalaman ng CADT upang maging malinaw ito sa mga naninirahan sa lugar, na sa huli ay nauwi sa isang unanimous resolution ng konseho na agad ding pinagtibay ng kapulungan.
Base sa hawak na datus ng City ENRO, umaabot sa halos 49,000 ektarya ang sakop ng CADT na pinaghatian ng apat na barangay kabilang ang Bacungan.
Ani City ENRO Carlo Gomez, umaabot sa 9,757 hectares ang para sa Bagong Bayan, 6,350 sa Simpocan, Napsan-14,655.71, at Bacungan 17, 757. Ito aniya ay binubuo ng 22.34 percent ng kabuoang lupain ng Puerto Princesa.
Kinumpirma rin ni Gomez na mayroon pang mga aplikasyon ng CADT sa iba pang barangay sa siyudad.
Samantala, sa naging seremonya kamakailan sa mga barangay, kasama ring inimbitahan sa distribusyon ang Environment and Natural Resources Office (ENRO) at Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) subalit hindi nakadalo ang mga ito. (AJA/PDN)
Discussion about this post