PUERTO PRINCESA CITY—Inamin ng City Engineering Office na kulang ang mga kagamitan o heavy equipment nito para sa mga proyekto ng pamahalaang panglungsod, ng tanungin sa City Council kahapon, Setyembre 3, 2018.
Napag-alamang ito ang naging dahilan kung bakit may mga proyekto ang city government na hindi agad- agad natatapos sa itinakdang panahon.
Sa paglalarawan ni Engr Alberto Jimenez, may pagkakataong nanghihiram lang ang mga ito sa ibang departamento upang may magamit lang, katulad na lamang ng back hoe ng Solid Waste Management (SWM).
Kulang-kulang din ang mga laborer sa kadahilanang nag-aalisan ang nga ito dahil sa napakaliit na sahod na nagkakahalaga lamang ng P220 kada araw na wala sa kalahati ng kinikita ng mga laborer ng Department of Public Works and Highways na sumasahod ng P447 kada araw. Dahil dito nais magpatulong ng City Engineering Office sa Sangguniang Panglungsod.
Hindi naman ito tinanggihan ng konseho at napagkasunduan ng mga konsehal na pag-uusapan ito sa Committee on Infrastructure.
Matatandaang kinuwestyon ng ilang konsehal partikular ni Konsehal Peter Maristela kung bakit marami pang infrastructure projects ng city government ang hindi pa natatapos sa ilalim ng pamamaraang “by administration” o ang City Engineering na lang ang siyang gagawa ng mga proyekto sa halip na pribadong kontraktor.
Ayon kay Jimenez, sa 11 proyekto na pinondohan mula sa 20 percent development fund ng siyudad noong 2016-2017, apat pa ang hindi nakukumpleto at nakabinbin ang pagsasagawa.
Inaasahan namang sa pamamagitan nang ugnayan ng CEO at ng sanggunian ay masusulusyunan na ang problema.
Discussion about this post