Nababahala ang Incident Management Team ng Puerto Princesa sa inilabas na unified travel protocols ng National Inter-Agency Task Force noong Biyernes, Pebrero 26 para sa lahat ng Local Government Units.
“Very risky ng kunti ang resolusyon ginawa ng National IATF kasi nga tayo nag-iingat sa mga dumadating pero sa kanila medyo babawasan nila yun higpit na pinatutupad natin dito, hindi lamang sa Palawan kundi sa ibang probinsya.” Pahayag ni Dr. Dean Palanca, Incident Management Commander ng Puerto Princesa.
Dagdag pa ni Dr. Palanca, hindi kakayanin ng lungsod kung tataas ang kaso ng COVID-19 dahil kulang tayo sa kagamitan at pasilidad.
“Buti sana kung kasing taas ng kaso natin ang Cebu na kahit saan ka mapunta sigurong barangay ay may positibong case eh walang problema. Parang nag-herd immunity ka na lang po, pero dito sa Puerto hindi naman tayo nagme-maintain ng herd immunity kasi wala tayong kakayanan sa medical facilities natin, kakaunti lang ang yung ating pang-intubate, kakaunti lang apparatus natin kung magkaroon tayo ng critical cases,”
“Marami ang mananalangin, malalagay sa bingit ng kamatayan ang kanilang mahal sa buhay. Hindi handa ang medical facilities ng Puerto Princesa para i-cater si Palawan at yung City kung sakaling magkaroon malaking surge ng COVID infection. Parang tayo ng bahala sa sarili natin.”
Bagamat nalulungkot dito ang IMT Commander, kailangan nila itong sundin at malalaman pa sa pagpupulong ng local Inter-Agency Task Force (AITF) ngayong araw ng Lunes, Marso 1 o di kaya sa Martes (March 2) ang ilalabas na health and safety protocol ng Puerto Princesa City.
“Susundin natin yan dahil yan ay pinagtibay. We hope it will do good sa buong Pilipinas pero nakakalungkot for my own opinion as Incident Commander. Sana may kaunting paghihigpit pa kung sakali pero depende naman po yun mag-adjust kami sa protocol na inilabas ng National IATF at gagawa kami ng sarili naming protocol dito na hindi masyadong babangga sa protocol na yan.”
Ayon naman kay Dolfo ng Barangay Sicsican, parang ipinapakita umano ng National IATF na walang dapat ikabahala sa COVID-19 sa kabila na tumataas ang kaso nito sa bansa.
“Magandang balita para sa lahat ng mga Pilipino ang naging desisyon ng IATF National ay nagpapakita lamang na wala ng dapat na ikaalarma ang ating mga kababayan dahil nangangahulugan ito na hindi dapat katakutan ang COVID-19,”
“Parang sila na din mismo ang nagsabi na hindi talaga ito totoo, dahil kung talagang nakakahawa at nakakamatay ang virus na ito ay hindi dapat ganun ang kanilang naging desisyon, dapat nga sana mas maghihigpit pa sila dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso.”
Sa inilabas na unified travel protocols ng National IATF, hindi na kailangan sumailalim sa RT-PCR test ang mga bumabiyahe maliban lang kung ito ay kinakailangan ng isang LGU bago makabiyahe patungo sa kanilang lugar. Hindi na rin kailangan pang sumailalim sa quarantine ang isang indibidwal bukod sa mga makikitaan ng sintomas at hindi na rin kinakailangan umano ang travel authority at health certificates.















Discussion about this post