Nadagdagan kahapon, March 18, 2021, ng 4 na positibong ng COVID-19 ang talaan ng Puerto Princesa Incident Management Team (IMT). Kaugnay ito ng 2 nagpositibong Authorized Persons Outside Residence (APOR) na nakilahok sa Bike Hero Balayong Fun Ride na ginanap noong Marso 7, 2021 bilang parte ng paggunita sa 149th Founding Anniversary at 17th Balayong Festival at pagsalubong sa opisyal na pagpapa-ilaw sa Acacia Tunnel.
Ayon kay Dr Dean Palanca, Commander ng IMT, inaasahan pa nito na tataas pa ang kaso sa mga susunod na araw dahil patuloy pa rin ang isinasagawang contact tracing ng kanilang tanggapan lalo na’t ang ilan sa mga close contact ay symptomatic.
“3 taga-[Brgy.] Sta. Monica at 1 [taga-Brgy.] San Pedro [ay] related pa rin doon sa 2 APOR na pumasok at kasama na yung 8 na sinabi ko na local case so all in all 12 itong case na naka line dito. Yung apat kahapon, Wednesday yun nangyari tapos lumabas kaagad yung resulta nila nung late in the afternoon.”
“Ang ine-expect ko ay yung tataas pa ng konti yung case natin kasi habang nagco-contact trace kami mayroong mga second generation na close contact na antigen positive [at] ‘yung iba may symptoms so for RT-PCR test pa ‘yun. So ine-expect ko may idadagdag pa tayong cases ‘yan sa mga ilang araw pa.”
Umaasa rin siya na hindi ito magiging tulad ng San Jose case na kung saan ay nakapagtala ang kanilang opisina ng 21 na kaso na nagsimula sa 82 anyos na matandang babae na binawian ng buhay dahil sa komplikasyong dulot ng COVID-19 at itinuring ‘index patient.’
“Hindi ko siya masasabi ‘no [kung magiging tulad ito ng San Jose case natin] pero hopefully hindi ganoon karami. Hindi parehas nung ganoon at ma-minimize na kaagad natin. Depende rin kasi ito sa mga taong naging close contact nitong 2 [APOR na] ‘to at kung nasaan man po sila, kung nandoon sila sa bahay nag-a-isolate lalong-lalo na kung may symptoms sila [ay] talagang mas maganda magpasabi sa amin para matulungan namin.”
“Ma-evaluate at kung pupuwedeng i-test ay ite-test natin sila [for COVID-19]. Lalong-lalo na itong sa mga sabi nga natin dito sa mga bikers [at] dito sa mga [nag-]Zumba. So yung mga people there ay hindi pa naman lahat nagpapa-test sa amin although yung pagkaka-alam ko yung iba diyan nag-isolate na lang ng 14 na araw.”
Aniya sa kasalukuyan ay nasa 30 bikers na ang sumailalim sa COVID-19 test ng IMT at walang sinuman ang lumalabas na nagpositibo sa nasabing virus.
“I think, nasa estimate ko, nasa 30 plus na ang na-test diyan sa mga biker na ‘yan [at] negative yan yung mga nagpa-test sa amin. Yung sinasabi ko na 12 na nag-positive sa 2 APOR, karamihan doon is household contacts sila, kasambahay na exposure friends na paulit-ulit na na-expose dito sa 2 APOR. Hindi sila yung dinaanan lang o sumabay lang sa biking eh nag-positive na. Wala namang ganun sa kanila.”
Dagdag pa ni Dr Palanca, malaki ang posibilidad na maghigpit muli ang Puerto Princesa Inter-Agency Task Force (IATF) kung tataas muli ang kaso tulad ng mga naging panuntunan sa naging San Jose case.
“Kung magdideretso na magdadagdag yung [COVID-19] cases natin, magiging recommendation namin yun na maghihigpit na naman po tayo sa buong Puerto [Princesa City]. Maaaring mangyari yun [yung panuntunan tulad ng sa San Jose case] kasi magdedesisyon niyan yung buong miyembro ng IATF ng Puerto Princesa. Hindi ko pa masabi [kasi] depende rin yun sa mga cases. Kung dadami yung case at kaliwa’t kanan yung case, malaking possibility.”
Discussion about this post