Binaril ng isang pulis ang kaniyang misis bago ito nagbaril sa sarili na nagresulta sa pagkamatay ng babae kaninang alas 10:10 ng umaga, October 23, 2019 sa Ramon V. Mitra Jr. Sports Complex, Brgy. Tiniguiban, Puerto Princesa City.
Batay sa spot report mula sa Puerto Princesa City Police Station, ang biktima ay nakilalang si Karen Amparo Cacho habang ang suspek ay si Raymond Cariaga Cacho na residente ng Brgy. San Miguel, Puerto Princesa City.
Nakarinig umano ng apat na putok ng baril ang mga kawani ng Police Station 2 na ilang metro lang ang layo sa pinangyarihan ng krimen kaya agad silang rumesponde kung saan nakita nilang nakabulagta at may tama sa kanilang mga ulo ang mag asawa.
Ayon sa mga saksi, nakaupo umano ang suspek sa likod ng biktima nang bigla itong tumayo at binaril ang kisame ng grandstand bago binaril ang biktima sa ulo.
Pagkatapos nito ay binaril rin ng pulis ang kaniyang sarili.
Samantala, natagpuan sa lugar ang isang baril na Beretta 9mm na pag aari ng PNP at apat na empty shells.
Patuloy pa ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya kung ano ang motibo ng krimen pero nag away umano ang mag asawa bago naganap ang insidente.
Samantala naisugod sa pagamutan ang suspek at nagpapagaling na .
Samantala,sa ulat isang estudyante ang nadamay sa pamamaril na nakilala sa pangalang Leigh Magbanua na naisugod na rin sa ospital.
Discussion about this post