Nagpasa na ng Resolution No. 1620-2022 ang Sangguniang Panlungsod at Resolution No. 16520 naman sa Sangguniang Panlalawigan patungkol sa hiling na magsagawa na ng agarang eleksyon ang Palawan Electric Cooperative (PALECO) ngayong taon sa lahat ng mga distrito nito sa Palawan.
Ito ay may kaugnayan sa reklamo ng ilang mga kamay-ari na marami na umanong overstaying na mga kasapi ng Board of Directors (BOD) ng Paleco.
Ayon sa may akda ng resolution si Konsehal Elgin Robert Damasco, dapat na umano magsagawa ngayong taong 2022 ng agarang eleksyon sa lahat ng mga distrito nito ang PALECO base umano sa inilabas na kautusan ng NEA.
“Naaprubahan ng Sanggunian Panlungsod ang ating resolusyon na humihikayat sa pamunuan ng PALECO at sa National Electrification Administration (NEA) na kailangan isagawa na ang eleksyon sa taong ito. Dahil napakarami po ng mga Board of Directors ng PALECO na dapat po 2014, 2015 pa o… dapat ee matagal nang wala sila sa PALECO matagal na dapat nagkaroon ng eleksyon, kaya lamang, hindi sa malamang dahilan pinapatagal nila yung pagsasagawa nila ng eleksyon,” ani Damasco.
Base sa NEA Memorandum No. 2022-05 na ang lahat ng mga electric cooperatives umano na naantala ang 2020 district elections dahil sa pag-isyu ng NEA Memorandum No. 2020-017 ay dapat magsagawa ng eleksyon sa 1st, 2nd, 3rd at 4th quarters ng taong 2021.
Nakasaad pa din dito na ang lahat umano ng electric cooperatives ay sumunod sa mga kanya-kanyang by-laws sa pagsasagawa ng district election at AGMA’s upang hindi mapagkaitan ng karapatan ang mga member-consumers sa pagpili ng susunod na mamumuno sa mga ito.
“Eh mayroon na pong kautusan ang National Electrification Administration (NEA) na dapat magkaroon na ng election. Nagkaroon na ng eleksyon sa ibat-ibang distrito sa Cuyo, Aborlan at sa iba pang distrito sa buong lalawigan ng Palawan. Kaya lang mayroong i-ibang mga tila wala paring schedule katulad ng sa Quezon, Rizal sa Roxas at sa El Nido ay hindi pa rin po nagsasagawa wala paring schedule ang PALECO at ang gusto nila next year pa na dapat sana ngayon taon mismo ayon sa kautusan ng NEA,” dagdag pa ni Damasco.
Ayon pa sa konsehal, nasa kamay ng PALECO kung susundin nito ang kanilang hinanaing at suportado umano nila ang kautusan mula sa NEA.
“Yan ay manifestation lamang o hinanaing ng Sangguniang Panlungsod na pinapaabot sa kanila at kung gagawin nila o hindi eh wala din tayong magagawa. Sinusuportahan natin yan pong kautusan ng NEA na dapat this year ay isagawa na ang eleksyon,” saad ni Damasco.
Samantala, panawagan naman ng konsehal sa pamunuan ng PALECO na respetuhin umano nila ang hinanaing ng mga miyembro nito at wag na umano patagalin pa ang pagsasagawa ng eleksyon kung may natitira pa umano silang hiya.
“Ang ating panawagan sa mga Board of Directors (BOD) at sa management ng PALECO, respetuhin nila yung karapatan ng mga member consumers na pumili ng mga karapat dapat na maging leader nila o maging Board of Directors nila (BOD) wag na nilang patagalin overstaying na ang ilan sa ating mga BOD hindi ba sila nahihiya na habang tumatagal ay kinukuwesyon na yung kanilang dignidad, kinukuwesyon na yung kanilang pag o-overstay sa kanilang tungkulin ng ating mga member consumers. So karapat dapat kung mayroon silang natitira pa na hiya sa mga sarili nila eh dapat isagawa na yung eleksyon,” pahayag ng konsehal.
Discussion about this post