Sa mahigit limang daang aktibong kaso ng COVID-19 sa talaan ng Puerto Princesa Incident Management Team (IMT) kahapon, patuloy ang panawagan ng mga kinauukulan sa mga mamamayan na sumunod sa ipinatutupad na minimum health protocols.
Mula sa naunang mga pahayag ng pinuno ng IMT-Puerto Princesa ukol sa kritikal na kondisyon na ngayon sa siyudad dahil sa mabilis na pagtaas ng community transmission, sa patuloy na expansion ng mga quarantine facility, sa hirap ng mga medical frontliner at sa kamakailang hinaing ng isang nurse ng IMT para tingnan din ang kanilang kalagayan, binigyang-diin ng mga kinauukulan na ito ang panahon na lubos na kailangan ang suporta ng publiko.
Ayon kay IMT Commander, Dr. Dean Palanca, kailangang mag-umpisa ang pagbabago sa pinakamaliit na sektor ng lipunan dahil kung hindi aniya mababago ang “root cause” ng pagkakahawaan ng COVID-19 ay magtutuloy-tuloy lamang ang community transmission at ang pagkakapuno ng mga pasilidad.
Aniya, paano pa umano kung may mga bagong kaso at nagkataong wala na silang mapaglalagyang pasilidad. Ito umano ay sa kadahilanang may hotel owner na hindi pumapayag, lalo na umano sa usaping bayarin, dahil halos nasa dalawang buwan bago sila mababayaran ng pamahalaan.
“Kaya ‘yong change, kailangang mag-umpisa sa tao mismo. Kung hindi magbabago ‘yong tao sa baba, eh wala—ubos ang pera [ng gobyerno], maraming mamamatay at overrun ‘yong ospital, overrun ‘yong facilities. Yari kaming mga frontliners. [Magsa-]sacrifice [talaga ang] lahat,” ani Dr. Dean Palanca.
Ang pagbabagong tinutukoy ni Palanca ay ang pagiging seryoso ng mga mamamayan na sumunod sa health protocols gaya ng pagsusuot ng face mask at face shield at pagsunod ng physical distancing kapag lumalabas ng tahanan, lalo na sa mga matataong lugar, at ng proper hand hygiene.
“Yong sinasabi nga natin parati na protect yourself. Lalong-lalo na dapat naka-mask ka na hindi naman ginagawa [ng ilang mamamayan] lalo na kapag nasa malalayong lugar [na],” aniya.
Nakalulungkot pa umano dahil maging sa mga pangunahing lansangan sa city proper at sa palengke ay marami pa rin ang mga pasaway. Panawagan niya, makinig naman sana umano ang publiko dahil lubos na ang sakripisyo ng mga medical frontliner at malaki na ang gastos ng pamahalaan.
Inulit din ni Dr. Dean na noon pa nila ipinapayo na kapag nakaramdam ng sintomas ang sinuman ay huwag nang pumasok at agad nang mag-isolate.
Nakatatanggap pa rin umano siya ng mga impormasyong nagpapasok pa rin ang ilang kumpanya kahit may ubo’t sipon ang tauhan kaya makalipas isang linggo ay marami na ang nahawa sa kanila sa COVID-19.
“Pagpasok, sipon-sipon lang, ‘yon pala, COVID na. Mapa-government ng City, mapa-Provincial Capitol, sandamakmak ang [mga] pasyente—overrun na rin sa dami ng mga positive nila,” aniya.
Ayon pa sa opsiyal, ang pinaghahawaan ng COVID-19 sa ngayon ay “workplace” at sa mga kabahayan mismo.
MAY MGA POSITIBO SA COVID-19 NA NASA KOMUNIDAD LAMANG
Binanggit din ni Dr. Palanca na sa sitwasyon ngayon, di malayong nasa komunidad lamang ang ilang mga positibo sa COVID-19 dahil “Hindi rin sila nagpapa-check up. Nagpapa-check up sila, kapag malala na.”
Aniya, bilang konsiderasyon sa kapwa na hindi makapitan ng nakamamatay na sakit, lalo na sa mga matatandang madaling kapitan nito, dapat umanong magpatingin agad kahit ultimong sipon at ubo lamang ang nararamdaman sapagkat “maaaring COVID ‘yan.”
Aniya, maaari naman silang tumungo sa IMT upang sumailalim sa antigen test na libreng ibinibigay sa publiko, basta’t makipag-ugnayan para sa kanilang schedule. Maaari rin aniyang sa ibang ospital na bagamat may bayad ay hindi na nila kailangang pumila ng mahaba.
At maliban pa umano rito, kahit na mag-isolate na lamang ay malaking ambag na upang maputol ang local transmission.
“Actually, kung ikaw may ubo at sipon, ang gawin mo lang, kahit hindi ka magpa-check up, magtago ka na lang sa kwarto mo—doon ka magpagaling. Kung nahirapan kang huminga, tawag ka ng doktor, tawag ka ng tutulong sa’yo. Pero kung mga kaunting sipon, kaunting ubo, pwede namang mag-isolate [ka lang] hanggang sa gumaling ka kasi baka COVID ‘yon,” ani Palanca.
Sa katanungang bakit nananatili pa rin ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa siyudad sa kabila ng ipinatupad noong ECQ, hard lockdown at ilang beses na travel ban na umiiral pa sa siyudad hanggang Mayo 31, sinabi ng pinuno ng IMT na ito ay dahil hindi siniseryoso ng ilang mamamayan ang peligrong dulot ng virus. Aniya, mapapansin din umanong hindi rin masyadong sumusunod ang mga mamamayan sa mga barangay sa ngayon.
“Ang tao walang respeto sa sakit—hindi nila kinikilala si virus. Ang treatment nila, parang trangkaso pero nakakapatay [ito],” ani Dr. Palanca.
Samantala, sa mga nagnanais na sumailalim sa antigen test ay maaaring makipag-ugnayan sa pamamagitan ng COVID-19 Hotline numbers na 0961-726-3864 at 0945-693-0623.
Discussion about this post