Isang sunog ang tumupok sa magkahiwalay na establishyemento sa Purok Mapagmahal, Barangay San Jose, Puerto Princesa nitong Marso 31, 2021.
Base sa ibinahaging impormasyon ng Bureau of Fire Protection Puerto Princesa, pasado alas 9 ng gabi nitong Marso 31 ng itawag sa kanilang tanggapan ng Puerto Princesa City PNP ang nasabing sunog. Agad naman nila itong nirespondehan at pasado alas 10 ng gabi ng maideklarang fire under control at tuluyan ng idineklarang “fire out” bandang alas 12 ng madaling-araw, (Abril 1, 2021).
Umabot ng mahigit walong fire truck ang nagamit sa pag-apula ng apoy kasama na dito ang fire truck ng CDRRMO, Water District, at Philippine Air Force.
Pag mamay-ari naman ni Lucy Fe Lalicon ang isa sa mga establisyementong natupok ng apoy na isang pagawaan ng sablay at dealer ng mga kahoy sa Barangay San Jose, habang pag mamay-ari naman ni Ricky Daquipil Omalde ang vulcanizing shop na isa rin sa mga natupok ng apoy.
Sugatan naman ang isa sa mga tauhan ng vulcanizing shop na si Gabriel Francisco, 41 years-old, na nakapagtamo ng sugat sa ulo habang wala na ring naitala pang nasaktan sa naganap na sunog.
Kasalukuyan pa rin inaalam ng Bureau of Fire Protection Puerto Princesa ang danyos na idinulot ng apoy at kasalukuyan pa rin ang imbestigasyon sa pinagmulan ng nasabing sunog.
Discussion about this post