Kinumpirma ni DILG City Director Virgilio Tagle na nagpulong sila ni Mayor Lucilo Bayron hinggil sa pagiging low compliant ng Puerto Princesa City government sa pagpapatupad ng DILG Memoradum 121 kung saan inuutusan ang mga lokal na pamahalaan na tanggalin ang mga nakaharang sa mga kalsada at sidewalk batay sa naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang State of the Nation Addres o SONA noong Hulyo na ibalik sa mga mamamayan ang mga kalsada.
Ayon kay Tagle, napag-usapan nila Bayron ang naging resulta ng road-clearing validation kung saan nakakuha lang ng iskor na 70 ang syudad at tiningnan nila kung saang mga areas na mahina tulad na lamang ng sa 20 kalsada ay walo lang ang pumasa kaya bumaba at may bahagi rin umano sa validation na dapat sundin ang hindi nagawa.
“ May mga portion ang validation na mahina tayo. ‘Yung isa talagang wala tayo, feedback mechanism wala tayo, rehabilitation and sustainability plan wala tayo although ongoing gayundin ang displacement plan, ‘yan ang kulang natin,” sabi pa ni Tagle.
Dahil dito ay pinag-usapan raw kung ano ang gagawin ng City Government at ng Barangay maging ang bagong kautusan ng DILG para matutukan kung ano ang mga dapat gawin lalo na ang sustainability.
Ibinilin rin daw ni Mayor Bayron na dapat ay hindi lang ang 20 lugar o kalsada ang dapat na mapanatili ang kaayusan dahil baka bumalik ang validation team para magsagawa ng random inspection sa iba pang kalsada at magkaproblema.
Sabi ni Tagle, batay kasi sa bagong guidelines na ipinalabas ng kanilang kagawaran, ang lahat ng nakakuha ng low compliance ay kailangan balikan ng validation team habang ang nakakuha ng bagsak na iskor ay pagpapaliwanagin o bibigyan ng show cause order.
Kaugnay nito ay inatasan raw ni Mayor Bayron si Assistant City administrator Carlo Abogado na bumuo ng task force na magmomonitor at mag-iikot sa urban areas ng syudad para maipatupad ang kautusan ng DILG kung saan posibleng kasama sa task force ang City Anti-Squatting, City Traffic Management Office at Liga ng mga Barangay.
Idinagdag pa ni Tagle na dapat mula sa low compliance ay magkaroon ng pagbabago at kung hindi man maabot ang high compliance ay makaabot man lang sa medium compliance.
“Ang importante lang dapat mag-improve sa ngayon dahil ang sitwasyon ng Puerto Princesa ay napakahirap pero ang tinitingnan natin dapat mag improve, kung low ngayon dapat makuha natin ang medium o kaya high kung hindi man natin makuha ang high basta sa tingin ko pag nakuha natin ang medium ok na Masaya na tayo nun” ani ni Tagle.
Ipinaliwanag niya na batay sa bagong kautusan ng DILG ay may apat na kategorya sa pagsunod sa naunang kautusan , ito ay ang high compliance, medium compliance , low compliance at failed.
Matatandang sa naganap na road clearing validation , kabilang sa mga road obstruction na nakita ng validation team ay ang mga sasakyang ilegal na nakaparada sa mga kalsada, tindahan sa sidewalk, at iba pa.
Discussion about this post