Tampok sa unang yugto ng “Tourism Promotional Caravan” ng lungsod ang tinaguriang “Ultimate World-class Beach Destination” sa southwest area ng Puerto Princesa City.
Sa temang “Go! Puerto Princesa,” sama-sama at masiglang nilahukan kahapon, Nobyembre 15, 2020, ng mga opisyales ng Pamahalaang Panlungsod, barangay, iba pang ahensiya ng pamahalaan, City Tourism Council (CTC) at ng mga grupo ng bikers at motor riders ang nasabing aktibidad may kaugnayan sa nalalapit na muling pagbubukas ng turismo sa lungsod sa Disyembre 8. Dakong 4:00 AM ng Nobyembre 15 nang magsimula ang aktibidad sa Robinson’s Place Palawan, dumaan sa Yamang Bukid bago dumiretso sa Tagkawayan sa Brgy. Bacungan, ang host barangay.
Sa ibinahaging impormasyon ng City Tourism Department, binansagan ng ganoong pagkilala ang Circuit 5 sa southwest area ng siyudad dahil sa magaganda nitong mga beach. Maliban pa rito, nasa timog-kanluran din ng lungsod ang Circuit 6 na kilala naman bilang “Leisure, Nature Adventure Theme Park.”
Sa mensahe naman ni City Councilor Matthew Mendoza, chairman ng Committee on Tourism at ng araw na iyon ay kumatawan kay Mayor Lucilo Bayron, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng Caravan na aniya’y hudyat ng pagbabalik-sigla ng turismo ng lungsod kaya hiniling niya sa lahat ang kanilang pakikiisa.
“Ito po’y para sa Puerto Princesa, para na rin po sa pag-recover natin. Sana po ay patuloy ang ating pagtangkilik at suporta sa lahat ng programa ng City Government,” panawagan ni Mendoza.
SERYE NA CARAVAN
Sa hiwalay namang panayam ng local media, ipinabatid ng konsehal na hindi pa ito ang huling aktibidad may kaugnayan sa pag-reopening ng turismo.
“Magkakaroon po tayo ng mga series of caravan, una na nga po rito ay southwest then, magkakaroon [din] po tayo sa northeast area, doon po sa may Astoria and I think ang next, doon sa may northwest naman sa may area ng Sabang para po makita rin ng lahat, na ang Puerto Princesa ay naghahanda sa muling pagbubukas ng turismo rito,” aniya.
Ipinaliwanag din ng opsiyal ang kahulugan ng napili nilang tema sa Caravan.
“Malungkot ang nangyari sa atin dito sa Puerto [Princesa] dahil sa pandemic. Lubhang naapektuhan ‘yong turismo na ‘yan ang pangunahing kabuhayan or main industry dito kaya sa ating muling pagbabalik, isigaw natin ‘Go! Puerto Princesa. Kaya natin ‘to! Babangon tayo!” ani Mendoza.
PAG-ALINLANGAN NG ILANG MAMAMAYAN
Nang tanungin naman ng Palawan Daily News sa kung ano ang komento niya sa ilang may pag-alinlangan sa reopening ay tahasang binanggit ni Mendoza na, “Normal lang mag-worry kasi kapag nag-worry ka, mas nagiging maingat ka.” Ngunit giit niya na kasabay ng kahalaaghan na maprotektahan ang sarili sa COVID-19 ay kailangan ding tulungan nang umangat ang ekonomiya.
Aniya, marami nang taong nawalan ng trabaho at marami na ring negosyo ang mga nagsara kaya kailangan nang maging balansiyado ang lahat.
“….[K]ailangan nating mag-umpisa sa ganito kasi hindi pwedeng wala tayong gawin eh. Kailangan nating harapin ‘yong [banta ng] COVID-19; naandiyan na ‘yan hangga’t walang vaccine na nagagawa pero we really have to do something. Habang pinoprotektahan natin ang sarili natin, binubuhay natin ‘yong economy at ito ang pinakamagandang paraan to promote kasi ang ibang probinsiya, nag-open na, ang Baguio nag-open na, ang Bohol, nag-open na, kailangan tayo rin…kailangang i-follow [lang] ‘yong mga rules [under the new normal,” dagdag ni Mendoza.
“Para sa akin, napakadaling i-market ang Palawan, ang Puerto Princesa dahil for ilang years na, nag-number one tayo. Marami ang nag-rebook, na-miss nila ‘yong summer, hopefully [the next] summer, baka matuloy na [sila rito],” ayon pa sa kagawad ng lungsod.
Pagtitiyak pa niya, maraming mga COVID Marshal ang nakikita ngayon sa city proper dahil kabilang aniya sila sa mga magbabantay sa mga turista simula sa reopening para sa local touridts.
“Yong ating mga tour guide, ia-under na rin sa training as COVID Marshal—sila kasi ‘yong unang haharap sa mga bisita,” dagdag pa niya. Ayon naman sa CTD, nakatakda na silang maghanda ukol sa pagsasanay para sa mga tour guide at lahat ng nasa sektor ng turismo sa susunod na linggo.
BAKIT NAPILI ANG DEC. 8
Kinumpirma naman ni Kgd. Mendoza na pinili ang petsa ng reopening nang tanungin kung sinadya bang isabay ang pagbubukas ng turismo sa Kapistahan ng Puerto Princesa.
“Yan ang date na napili ni Mayor kasi noong nag-meeting kami, sinabi niya na ‘Napakaganda ng timing ng Dec. 8,” ani Mendoza.
“Every December, talagang naghahanda tayo. Ito ‘yong panahon na nagsasama-sama ‘yong mga pamilya. Marami tayong mga bisitang dumarating, mga relatives natin umuuwi rito kaya napakagandang timing itong December para na rin ‘yong hirap na dinanasa natin mula March, February hanggang ngayon, at itong last two months natin, mabago natin, maging masaya tayo,” aniya.
Samantala, nagpaabot naman ng lubos na pasasalamat ang Punong Barangay ng Bacungan na si Kapt. Gina Valdeztamon.
“Kami po ay nagpapasalamat na nagkaroon po tayo ng pagbubukas na muli ng atin pong turismo sa kabila na medyo nanahimik po tayo pagdating sa turismo [dahil sa pandemya],” aniya.
Discussion about this post