Hindi pa maghihigpit ang City Traffic Management Office sa panghuhuli ng mga motorcycle riders at may angkas kahit walang “motorcycle passenger barrier” na aprubado ng National Inter-Agency Task Force.
Ayon kay City Information Officer at City Traffice Management Head Richard Ligad, tutok muna sila sa ngayon sa pagpapa-alala sa mga motorista kaugnay sa implementasyon nito.
Sinabi pa ni Ligad na bagama’t may batas ukol dito, may mga bagay pa silangnais linawin lalo pa’t maraming eksperto ang nagsasabing hindi ito ligtas para sa mga nagmo-motor.
“Wala pa akong order na ibinababa doon sa City Traffic pero sa PNP iba rin kasi may directive sila from DILG,” ani Ligad.
Paliwanag ng opisyal, may mga bagay pa silang hinihintay mula sa national government kaya sa ngayon ay puro warning at information dissemination muna ang kanilang gagawin.
“May hinihintay pa akong guidelines at saka anong penalty at may mga paglilinaw pa tayong inaalam tulad nga ng anong penalty at anong violation ang ilalagay natin,” dagdag pa nito.
Matatandaan na ngayong araw, August 1, ay simula na ng implementasyon ng nasabing kautusan matapos ang kalawang extension na ibinigay para sa pagkakabit ng barriers kahapon, July 31 kung saan ay inaasahan na magsisimula narin ang otoridad sa panghuhuli ng riders na may angkas pero walang barrier.
Discussion about this post