Maingay ngayon ang usapin tungkol sa Anti-Terrorism Bill na isinisulong ng pamahalaan.
Umani ito ng samu’t-saring reaksyon mula sa publiko kung saan sinasabi ng iba na pinapatay nito ang konstitusyunal na karapatan ng tao na maipahayag ang kanyang saloobin.
Ang iba naman, pabor sa nilalayon at isinusulong na panukala upang mapangalagaan ang kapayapaan at kaunlaran ng ating bayan.
Pero sa aking palagay, wala tayong dapat ikatakot kung sakali na maisabatas ito.
Dahil ito ay magsisilbing mekanismo natin upang maprotektahan ang karapatan ng bawat Pilipino na mabuhay ng mapayapa.
Dito rin umikot ang naging paliwanag ni DILG Secretary Eduardo Año patungkol sa nasabing panukala.
Aniya, nilalayon nito na ma-preserba ang soberanya, maisulong ang kapayapaan at masiguro ang seguridad ng mga mamamayan.
Dagdag pa niya, kapag naging ganap na batas ang Anti-Terrorism Bill, ang kampanya ng pamahalaan sa pagsusulong ng kapayapaan ay mas magiging epektibo sa pamamagitan ng pagpapairal ng batas kontra makakaliwang grupo.
Bukod dito, ipinaliwanag din ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na bubusisiin ni President Duterte ang anti-terrorism bill upang masiguro na ito ay sumusunod sa 1987 Constitution.
Sinabi pa niya na sisiguraduhin ng Pangulo na hindi ito hahadlang sa karapatan ng malayang pananalita.
Bawat Pilipino ay malaya pa rin na maipahayag ang kanyang saloobin hanggat malinaw na walang kapahamakan o karahasan ang idudulot nito.
Karapatan nating mga Pilipino na mabuhay sa isang malayang lipunan. Isang lipunan na malaya sa pambobomba ng takot, karahasan at pag-aarmas.
Hindi ba dapat natin naisin at piliin na manindigan sa kapayapaan at kaunlaran ng ating bayan hindi lang para sa kasalukuyan kundi para sa mga susunod na henerasyon?
Biniyayaan tayo ng karapatan na maipahayag ang ating saloobin pero mabuti siguro na i-assess natin ang ating sarili. Ito bang karapatan na ito ay ginagamit natin sa responsableng pamamaraan?
Kasi para sakin, ang totong nagsusulong ng karapatan at kalayaan ay hindi nag-uudyok at nagpapasabog ng galit at karahasan.
Hindi mapanakit at mapang-abuso sa kanyang lupang sinilangan.
Bagkus ito ay nagbabahagi ng kapayapaan, kabutihan, nagliligtas ng inosenteng mamamayan at nagpoprotekta sa inang bayan!
Sa gitna ng maingay na isyu na ito, unawain natin na ang proposed law na ito ay hindi isang baril na kikitil ng buhay kundi isang pananggalang laban sa karahasan at kaguluhan.
Discussion about this post