Sa ating sitwasyon ngayon sa lungsod ng Puerto Princesa, pwede na maka pag work-out ang ating mga kababayan sa labas ng kanilang mga tahanan lalo na sa Ramon V. Mitra Sports Complex. Kaso ang nakakalungkot dito ay ang mga kabataan na below 20 years old ay hindi pa pwede pumunta sa mga pampublikong lugar.
Kaya mas pinapayuhan parin na manatili sa kanilang mga tahanan kung wala namang importante na gagawin sa labas. Habang sa mga tahanan ang mga kabataan nating atleta ng lungsod, minumungkahi ng City Sports Office na tuloy lang ang mga workout, pagkain ng masustansyang pagkain tulad ng prutas at gulay, at iba pang pampalakas ng pagkain, upang matulongan parin na palakasin ang immune system ng katawan para hindi kapitan ng sakit.
Pwede ring subukan ang ang mga virtual or online exercise sessions para hindi mapag iwanan sa larangan ng palakasan. Pwede ring gawin ang Zumba online para mas kaiga-igaya ang pagpapawis sa bahay. Isama na rin ang ibang kasama sa bahay upang masaya ang pag-ehersisyo. Karamihan nito ay libreng mapapanood at pwedeng sabayan. Kailangan nga lang ng magandang koneksyon ng internet.
Sa mga pwedeng pumunta ng Sports Complex, may libreng Zumba mula lunes hanggang sabado tuwing alas-sais at ala siete ng umaga. Kakasimula lamang nito ngayong Hunyo ngunit pansamantala itong itinigil dahil na rin sa hindi magandang panahon. Asahang babalik ito kapag gumanda at natigil ang pag-ulan sa mga susunod na araw.
Ang Zumba ay isang aerobic fitness program na ang mga kilos at galaw ay hango sa iba’t ibang sayaw sa mga bansang nasa Latin America. Taong 1986 ito simulang gawin sa bansang Columbia ayon na rin sa ating pagsasaliksik.
Sa mga nagbabalak mag-jogging, walking at exercise sa Sports Complex, pinapayagan lamang ito mula alas singko hanggang alas otso ng umaga, at alas kuwatro hanggang alas otso ng gabi. Mahigpit itong binabantayan ng mga kawani ng City Sports Office upang masigurong nasusunod ang mga protocols gaya ng social distancing.
Discussion about this post