Matipuno, matapang, at may panindigan- alam ng buong sambayanang Pilipinas kung sino si Senador Antonio Trillanes IV. At sa kasalukuyan, isa siya sa mga kritiko ng administrasyong Duterte. Makailan lang ay ipina-walang bisa ng Pangulo ang amnestiya kay si Sen. Trillanes at inutos ang pag aresto sa senador.
Ayon naman kay Justice Secretary Menardo Guevarra, itutuloy pa rin ang paglilitis sa mga kasong isinampa kay Trillanes. Gayunman, itinanggi ito ng Senador at naniniwala na despatsado na ang lahat ng mag naisampang kaso sa kanya (coup d’ etat at rebellion) noong ipinagkaloob ng dating Pangulong Aquino ang amnestiya. Higit sa rito, may mga dokumentong ipinakita ang senador sa publiko na magpapatunay na despatsado na ng korte ang mga isinampang kaso sa kanya.
Buhay pa ba ang demokrasya sa Pilipinas o mistulang naging Republikang basahan sa ilalim ng diktaduryang rehimen? Maraming katanungan ang naglalaro sa aking isipan- bakit ngayon lang naisipang ideklara na walang bisa ang amnestiya? May basehan ba? Ano ang silbi ng mga dokumento na nagsilbing ebedinsya? Kapag inaresto ang senador saan dadalhin? May madadagdag pa bang kaso na isasampa laban sa kanya? Kailangan pa bang umabot sa ganito? Prinsipyo o personalan?
Dati pa, hanga na ako kay Trillanes, sa kanyang panindigan at prinsipyo bago pa siya naging senador. Iba mag-isip ang isang sundalo- disiplinado at walang inaatrasan. Sa ngalan ng demokrasya, parati niyang ipinaglalaban kung ano ang dapat at ang kung ano ang tama.
Ika nga nila, sa diktaduryang rehimen “Ang utos ng hari ay utos ng hari at hindi ito mababali kahit mali”. Napagdaanan na ito ng mga Pilipino at naging bahagi na ito ng ating kasaysayan. Simula sa rehimeng Marcos maging sa kasalukuyang pamahalaan. Sa makatuwid, hindi lahat ay may magandang naidudulot bagkus gaya ng dati naulit na naman ang kasabihang “Ang hindi marunong sumunod sa aking patakaran ay tiyak kapahamakan ang kababagsakan.”
Tulad na lang ng nangyari kay Ninoy Aquino noon at ngayon naman sa mga iilang pulitiko na ipinapatay at ipinakukulong at sinasangkot sa mga kasalanang may basehan ba? Hindi natin maikukubli na kung ano mang takot ang namamayani noon ay siyang naghahari ngayon. Tila ba sumasariwa sa puso’t isipan nating mga Pilipino ang mga sugat na dala ng kahapon.
Isa siyang kritiko na may dakilang layunin- bayani sa kasalukuyan. Nakikitaan ng tapang na kasing bagsik ng leon- walang inuurungan. Diyan ko mailalarawan ang tapat na senador Antonio Trillanes IV. Pero tila kabalintunaan sa iilang tao na may personal na galit, interes hayok sa kapangyarihan at matitinding pagnanasa sa yaman ng kaban nang bayan. Ang mayayaman ay lalong yumayaman, ang mahihirap ay lalong naghihirap. Kaya di maiwasang may mag-aklas at lumaban para sa taong- bayan.
Inaabangan na ng buong sambayanan kung ano ang susunod na mangyayari. Magtatagumpay ba sila sa planong pagpapakulong sa senador? O tuluyan na bang ibabasura ang mga dokumento at desisyon ng korte? Sabihin na natin na Republikang basahan, pero sigurado ako na patuloy na magliliyab ang apoy ng demokrasya. At hindi hahayaan ng taong-bayan na mangingibabaw ang kasinungalingan at kasakiman. Kailan ba naging kasalanan ang sumalungat sa maling pamamalakad. Isa bang kabaliktaran na maging mali kung ito ay tama?
EDITOR’S NOTE: Ang mga pananaw at opinyon na ipinahayag sa artikulong ito ay pawang sa may-akda lamang, at hindi sumasalamin sa anumang pananaw at opinyon ng Palawan Daily News at Alpha Eight Publishing.
Discussion about this post