Matapos ang mahigit dalawang buwan na pagkaka-stranded sa headquarters ng Philippine Marine Corps (PMC) ng ilang miyembro ng Marine Battalion Landing Team-3 (MBLT-3), June 23 nang ligtas silang nakabalik sa Lalawigan ng Palawan.
Sa post ng MBLT-3 sa kanilang social media account na “Mblt Tres”, malugod nilang ibinalita na maayos na nakabalik ang kanilang mga kasamahan.
Tiniyak din ng grupo na pag-alis ng kanilang mga kasamahang marino sa Kamaynilaan at pagdating sa probinsiya ay sinunod nila nang maigi ang health and sanitation protocols ng pamahalan.
Sinigurado umano ng pamunuan ng PMC na ang lahat ng babyaheng pabalik sa lalawigan ay sumailalim sa mandatory quarantine at masusing medikal na pagsisiyasat upang masiguradong hindi sila nakararamdam o nagpapakita ng anumang sintomas ng COVID-19 infection.
“Sa kanilang pagdating, sinigurado rin ng Mblt Tres, 3MBde at Western Command, sa pakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensiya ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan, na ang naturang mga marino ay muling sumailalim sa lahat ng alituntunin at pagsusuring pangkalusugan upang masiguradong ligtas ang bawat isa sa COVID-19,”ang nakasaad pa sa kanilang post.
Makikita rin sa kanilang post ang nakahandang ang mga basic necessities packs at ang Quarantine Facility sa loob ng Wescom na pansamantalang tutuluyan ng mga bumalik na mga marino bago muling makababalik sa pagtupad ng kanilang tungkulin.
“Fourteen (14) days quarantine po sila sa Puerto Princesa City before sila aakyat ng headquarters ng MBLT-3 at magfu-full duty status,” ang pagkukumpirma naman ni LtCol. Charlie Domingo Jr., commanding officer ng MBLT-3 at ng Joint Task Group North (JTGN). Ang MBLT-3 at ang JTGN ay pawang nakabase sa Brgy. Minara sa Bayan ng Roxas.
Discussion about this post