Abala ang pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at US Armed Forces para sa nakalinyadang Balikatan Exercises sa susunod na taon.
Sa naturang aktibidad na gagawin, aasahan ang mas malaki at mas malawak na pagsasanib-pwersa ng Philippine Army, Armed Forces of the Philippines (AFP) at U.S. Armed Forces’ Indo Pacific Command (IndoPACOM), kung kaya’t ipinatupad na ang pagsasadetalye ng mga programa sa AFP Education, Training and Doctrine Command, sa Camp Aguinaldo, Quezon City, kamakalawa, ika-12 ng Disyembre.
Matatandaan na ang Balikatan Exercises ay taunan nang isinasagawa sa pagitan ng Pilipinas at Amerika na nagiging tulay para sa mas malakas at mas handang mga bansa lalo na sa usapin sa terorismo at pagsagip sa buhay tuwing may mga sakuna at kalamidad.
Kaugnay nito, inaasahang madadagdagan pa ang mga pagsasanay na gagawin ng mga partisipante sa ilalim ng 2023 iteration ng Balikatan.
Ilan sa mga nakatakdang aktibidad at mga pagsasanay na gagawin ng mga kalahok ang interoperability exercises kabilang na ang counter terrorism at Humanitarian Assistance and Disaster Response (HADR).
Samantalang mayroon namang ilan pang aktibidad na naidagdag, at tiyak na malaking tulong para sa dagdag kaalaman ng mga lalahok. Ilan na dito ang mga dagdag na kaalaman sa pagtataguyod ng Field Training Exercises sa mga kasaling sundalo na tumutukoy sa combined and live fire exercises and military operations sa mga lambak at kabundukan sa malaking bahagi ng Luzon at iba pang bahagi ng bansa.
Discussion about this post