Isa sa mga hamong kinakaharap ng mga nagpapatupad ng Alternative Learning System sa lungsod ng Puerto Princesa ay ang kakulangan ng Community Learning Centers (CLC) para sa mga learners.
“Ngayon kasi very limited [ang mga barangay na may CLC]. Mayroong mga barangay na nagdo-donate and thankful kami doon na nagbibigay sila ng building na hindi na nila ginagamit. May ilan naman na nagtatalaga ng space,” ayon sa ALS mobile teacher na si Ephraim Redison sa exclusive interview ng Palawan Daily News.
Nang dahil dito ay hiling umano nila sa mga kinauukulan na magkaroon ng CLC ang kada barangay dahil sa ngayon, kadalasang nasa bahay lamang sila ng mga learner o sa Barangay Hall nakapagtuturo.
Ayon kay Redison, sa kanyang mga hinahawakan sa ngayon, sa Brgy. Maoyon umano, sa kabutihang-palad ay inaayos na ang ibibigay na center habang sa BJMP-Puerto Princesa City Jail naman, kung saan sila nagkaklase ng kalahating araw tuwing Huwebes at Biyernes, ay sa kanilang visiting area.
Maliban sa pagkakaroon ng mga center, hiling din umano nila sa mga partner barangays na mabigyan sila ng akmang datus hinggil sa kung ilan ang hindi nakapag-aral sa kanilang lugar. Napakahalaga umano nito upang malaman kung sino talaga ang nangangailangang maisama sa Alternative Learning System program.
Sakop ng ALS ang mga out-of-school children, out-of-school youth (OSY), out-of-school adult, at indigenous people sa bawat barangay. Gayundin ang mga Pilipinong hindi nakapagtapos na nasa piitan na sa kaso ng Puerto Princesa ay sa City Jail at Iwahig Prison and Penal Farm(IPPF), ang Children in Conflict with the Law (CICL) at nasa Rehabilitation Center sa Brgy. Irawan. Ito ang pinag-uukulan ng pansin ng 18 mobile teachers ng lungsod na ang hawak ay nasa dalawa hanggang tatlong barangay at may 75 target learners.
“Marami ang dapat na tulungan pagdating sa edukasyon, lalo na sa ALS….Alam naman natin ang mandate ng DepEd pagdating sa education—to reach all Filipinos. [Ngunit] hindi lahat ay nakapupunta sa school kasi nariyan ang poverty, naandiyan na walang access [sa edukasyon]—kaya nandoon kami, ang Alternative Learning System (ALS) para puntahan sila, para abutin sila, to reach the unreached [people],” pahayag ni Redison at idinagdag na ito ang kanyang motibasyon sa pagpupursigeng maipatupad ang programa na isang major project ni Education Sec. Leonor Briones.
Ito aniya ang paraan ng gobyerno upang matiyak na “wala talagang maiiwanan, no Filipinos will left behind pagdating sa education.”
Aminado mang may kakulangan sa Instructional materials, printer, pasilidad at iba pang pangangailangan sa pagtuturo sapagkat wala silang MOOE na gaya ng formal education, magkagayunman umano ay sinisikap nilang maabot ang mga Pilipinong hindi nakapagtapos ng pag-aaral.
“Maraming challenges, but ‘pag nasa government kasi tayo, we need to do an extra mile just to cope with the challenges. Hindi kasi lahat pwedeng hingiin sa gobyerno. Alam natin na limited ang funds,” dagdag pa ng gurong si Redison na mahigit apat na taon na ring isang mobile teacher.
Kaya upang mapunan ito ay pinalalakas nila ang partnership sa mga lokal na pamahalaan ng mga barangay, mga grupo gaya ng Pilipinas Shell Foundation Inc. (PSFI), Rotary Clubs, at iba pa.
PAGTANGGAP NG MGA IP’S
“Paunti-unti, nabawasan ‘yung nagpapa-assist, gumagamit ng thumbmark kasi unti-unti nilang natututunan ang magpirma. Kasi sa amin, hindi ini-aim na makapasa sila sa exam kaagad-agad; hindi! Talagang, little by little, [gusto naming] matutunan [nila] ang alphabet, matutunang magbasa ng basic, matutunang pumirma at magsulat ng pangalan, ‘yun ang pinakaimportante,” aniya.
Positibo siyang batid na ng mga indigenous people sa ngayon na kailangan nilang matutong magsulat ng kanilang pangalan at lumagda sapagkat kailangan nila iyon kasabay ng pagpapatupad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4P’s) sa buong bansa. “Pag sa community ka, masaya.”
Aniya, tinuturuan nila ang mga IP’s ukol sa kalinisan ng pangangatawan, pagpapanatili ng malusog na kalusugan at pag-aayos ng tahanan.
“… [U]nti-unti, naituturo natin ‘yun sa kanila pero hindi naman natin binabago ang kanilang culture, sensitive tayo sa culture na nakagisnan nila,” garantiya naman ni Redison.
SUCCESS STORY SA PIITAN
“Mayroon kaming dalawang nag-aaral sa college ngayon, mga passer namin sa ALS sa City Jail. Nasa PSU sila at tuloy-tuloy na nag-aaral,” masaya namang pagbabahagi ni Redison. “May nag-exam din ng electrical installation na ginamit nila ang ALS certificate na sila ay passers [ng program].”
At noong nakita umano iyon ng mga Persons Deprived of Liberty (PDL), unti-unting nabago ang kanilang rason kung bakit sila nag-aaral na ngayon ay ibig nilang makapagtapos lalo na umano ang mga nag-e-edad 19-20 taong gulang at hindi lamang pampapalipas-oras. Maliban umano rito ay naidadagdag din ito sa mga GCTA ng mga PDL sa bawat araw ng kanilang pagpasok.
Mensahe naman ng guro sa lahat na hindi nakapagtapos ng basic education na nariyan ang ALS na dinisenyo ng gobyerno para makamit nila ang kanilang mga pangarap.
“Yun ay karapatan nila, kasama ‘yun sa basic rights eh ng mga Pilipino na makapagtapos ng pag-aaral kaya nandito kami para sa kanila,” aniya.
Discussion about this post