2 Asian Box Turtle (Cuora amboinensis) o mas kilala sa lokal na tawag bilang pagong ang isinauli ng ilang residente ng Lungsod ng Puerto Princesa sa Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS).
Sa Facebook post ng Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) kahapon, Hunyo 8, nakasaad na unang may isinauling pagong sa kanilang tanggapan noong umaga ng Hunyo 6.
Ayon umano sa concerned citizen mula sa Brgy. Bagong Silang na si Sheena Danica Tabang, napulot lamang niya ang nasabing buhay-ilang at agad na ini-report sa Facebook page ng PCSDS.
Kahapon din nang ang grupo ng mga kabataan mula sa Brgy. San Jose, sa lungsod ding ito, ang nagsauli ng isa pang Asian Box Turtle sa PCSDS. Kwento ng mga kabataang sina Aminah Ornido, Khalid Ornido at Quebee Tolentino na nag-e-edad 14, 10 at 20, natagpuan lamang nila ang pagong sa likod ng kanilang bahay.
Lubos namang ikinatuwa ng PCSD ang halos magkasunod na kaganapan na nagpapatunay umano na epektibo ang ginagawa nilang awareness campaign para sa pangangalaga ng kalikasan at mga buhay-ilang, lalo na pagdating sa mga kabataan.
“Kami ay nalulugod na nangyari ito na nakatutuwa na lately, mga kabataan pa ‘yung mga nagsauli ng nakita nilang Asian Box Turtle na nakita nila sa kanilang bakuran,” ayon sa tagapagsalita ng PCSDS na si Jovic Fabello. “Sa murang kaisipan, mayroon na kaagad silang awareness at concern para sa ating buhay-ilang na makikita natin sa ating paligid at Lalawigan ng Palawan.”
Ang Asian Box Turtle ay isa ng Vulnerable species batay sa International Union for Conservation of Nature (IUCN) at nakatalang “Endangered” species sa ilalim naman ng PCSD Resolution No. 15-521.
Ang naturang hayop ay isang semi-aquatic animal at karaniwang matatagpuan sa gilid ng mga lawa, sapa at batis na nakakatulong naman upang mapanatiling malusog ang mga ekosistema sa mga maliliit na anyong-tubig, mabalanse ang food webs dito, at maipagpatuloy ang maayos na nutrient cycling sa pagitan ng tubig at lupa.
Samantala, muling nanawagan ang PCSDS sa mga Palawenyo na kapag may makitang buhay-ilang sa kanilang bakuran, kapaligiran, sa daan o hawak ng isang indibidwal ay mangyaring ipagbigay-alam lamang agad sa kanilang hotline numbers 0935-116-2336 (Globe/ TM) at 0948-937-2200 (Smart/ TNT) o kaya ay magpadala ng mensahe sa kanilanga Facebook page.
Discussion about this post