Timbog sa ikinasang drug buy-bust operation ng Police Station 2 ang 57 anyos na lalaki pasado 2:50 ng hapon sa Purok Zone 1 Mountain View ng Barangay Santa Monica, ngayong araw, Augosto 5.
Kinilala ang suspek na si Victoriano Bautista De Felipe na residente din ng naturang barangay.
Sa ekslusibong panayam ng Palawan Daily News Team kay Police Chief Inspector Reginald O. Pagulayan, matagal na nilang sinusubaybayan ang suspek. “Natunton namin itong suspek sa pamamagitan ng aming civilian asset kung saan bumili ng pinaghihinalaang shabu at agad naman kami nagsagawa ng operasyon,” aniya Police Chief Inspector Pagulayan.
Si De Felipe ay nahuli sa loob ng kanyang tahanan at nasabat sa kanya ang tinatayang nasa 3.9 gramo ng pinaghihinalaang droga, buy-bust marked money at drug paraphernalia. Sinubukan namang kunan ng salaysay ng PDN Team ang suspek ngunit hindi na ito nagpaunlak pa.
Ayon kay Punong Barangay Ronaldo Sayang ng Barangay Sta. Monica, “Masakit para sa akin lalo na at aking kabarangay ngunit kailangan at sila rin ang magiging dahilan upang madamay ang ating kabataan sa kapahamakan, at bilang punong barangay kailangan silang masugpo.”
Dagdag pa ng kapitan, kilala niya ang suspek at naririnig na niya ang pangalan nito na nasasangkot sa ilegal na gawain at nagpapasalamat siya sa mga otoridad at nahuli na ito. Mahaharap sa kasong paglabag ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act ang nasabing suspek.
Discussion about this post