Nadagdagan ng isa pang kaso ng Coronavirus disease-2019 ang lima ng COVID-19 active cases ng Lungsod ng Puerto Princesa.
Ito ang inanunsiyo ni Dr. Dean Palanca, commander ng Incident Management Team (IMT) at Assistant City Heath Officer ng lungsod sa virtual live update ng City Information Office (CIO) kaninang hapon.
Ang nasabing indibidwal ay isang 37 taong gulang na lalaki na kasalukuyang residente ng Brgy. Maunlad at asawa ng naunang local case ng nasabi ring barangay.
Ayon kay Dr. Palanca, ang nasabing pasyente ay kasama sa sampung isinailalim sa RT-PCR test kahapon, Nov. 13, na kung saan ang mga iyon ay binubuo ng dalawang close contact sa APOR case, limang close contact sa local case sa Brgy. Maunlad, at tatlong PDL.
Lumabas umano sa official result kaninang umaga na sa sampung isinailalim sa swab test ay nagpositibo ang nabanggit na lalaki na second generation ng local case mula sa Brgy. Maunlad. Na-extract naman siya ng mga kinauukulan mula sa kanilang barangay noong Nov. 11.
Ayon pa sa pinuno ng IMT na sa kasalukuyan ay nagpapakita ng sintomas ang nasabing pasyente gaya ng ubo at sipon.
Inihayag din ng doktor ang mga lugar na pinuntahan ng nasabing lalaki gaya ng Lumang Palengke, ang dalawang malalaking mall sa siyudad at sa iba pang lugar na patuloy pa nilang inaalam.
“Nagpabalik-balik po siya sa Old Market natin simula bago noong bago pa mag-Nov. 4 hanggang sa Nov. 10, halos araw-araw po siya riyan… particularly sa ating bilihan ng mga isda at sa Vegetable’s Section and also, may dalawang instances din na pumunta rin siya sa ating dalawang malalaking malls—dumaan sa Supermarket, dumaan sa Department Store. So, in-informed ko na ang isang mall dito at i-inform ko mamaya ang isa pang mall para alam din po niya,” ani Palanca.
Sa kabuuan, ang COVID-19 active cases ng lungsod ay nasa 123 na kung saan anim dito ang bago, 116 ang gumaling na at isa naman ang binawian ng buhay.
Ang mga bagong kaso ay mula sa Brgy. Sta. Monica; imported case na isang APOR na 48 taong gulang na lalaki; dalawang imported na mag-asawang LSI, ang nasabing local case na taga-Brgy. Maunlad na babae at ang huling local case na taga-Brgy. Maunlad na asawa ng nasabing babae. Sa kasalukuyan ay pawang nasa COVID Isolation Facility na ang mga nagpositibo sa COVID-19.
“May ibang lugar din pa siyang napuntahan na idi-determine pa namin kung saan talaga para mapuntahan po namin ang lugar na iyon at ma-inspection po namin kung kailangan po silang idadaan sa swab, idadaan po namin sa swab itong mga dinaanan ng huli nating nagpositibo,” ani Palanca.
Ngayong gabi naman ay isasailalim sa decontamination ang Old Market.
Hiniling din ni Dr. Palanca sa mga malalaking mall at tindahan na bumili ng sarili nilang mixing machine upang kung may dumaang COVID-19 carrier ay sila na ang magsagawa ng decontamination sa lugar at kahit hindi na hintayin pa ang IMT Decontaminating Team.
Patuloy na rin ang isinasagawa nilang contact tracing. Kaninang hapon ay in-extract na rin ang second generation ng babae sa Brgy. Maunlad na first generation naman ng huling nagpositibo sa COVID-19 habang ang third generation ay pinayuhang sumailalim sa strict home quarantine.
Muling mahigpit na ipinaalaala ng IMT chief na dahil may mga aktibong kaso ng nakahahawang sakit ay hindi pa ligtas na lumabas ng tahanan ang 66 taong gulang pataas at 14 pababa.
“Nagwa-warning po kami, ‘yong mga authorized lang na lumabas na age ang [pwedeng lumabas ng tahanan],” ani Dr. Palanca.
Discussion about this post