Tahasang tinuran ni Gov. Jose Ch. Alvarez na nais niyang buwagin ang Palawan Electric Cooperative (Paleco) at magkaroon ng panibagong tatlong franchisees para sa power distribution kapag natuloy ang paghahati ng Palawan.
“Kung ako ang tatanungin, gusto ko nang buwagin ang franchise na ‘yan para magkaroon ang sur, ang oriental at norte ng sariling kooperatiba. Hindi pwede na sa Paleco pa rin ‘yung tatlo [lilikhaing probinsiya]. No! I do not subscribe with that [idea] kasi the smaller the unit, the better the management and the better the reaction to any problems in the locality,” pahayag niya.
Ani Alvarez, ito ang kanyang mithiin kung matutuloy ang ‘3 in 1 Palawan.’
Inihayag ito ng Punong Ehekutibo nang tumanggap ng mga katanungan mula sa local media sa isinagawang “Pakimanan ta si Gob” (Tanungin natin si Gob) Fellowship with Palawan Media kamakailan.
“Yung Paleco if you ask me ay talagang deadwood ‘yan. Kasi ang kooperatiba is always a deadwood except for a functioning na kooperatiba,” ang walang paligoy-ligoy na komento ni Gov. JCA laban sa Paleco. Ang salitang “deadwood” ay nangangahulugang wala ng silbi o hindi na produktibo.
Paliwanag ni Alvarez, kung magkaroon ng tatlong probinsiya ay dapat na talagang magkaroon din ng tatlong kooperatiba sa bawat probinsiya upang mas gumanda ang kanilang pamamahala at mapabilis ang pagtugon kumpara sa Paleco.
“Paano ka makaka-react, wala silang boom truck, nanghihiram pa sa amin. ‘Sus Ginoo Ko!” dismayado pang komento ni Gob. Alvarez.
Giit pa niya, base umano sa kanyang mga karanasan ay iyon “ang pinakamabuti para sa probinsiya.”
Sagot naman ng Paleco, bukas sila sa ganoong ideya ngunit binigyang-diin na hindi magandang plano kung mamadaliin ang lahat.
“Maganda naman ang kanyang (Gob. JCA) suggestion and we will consider it but hindi naman pwedeng abrupt ang action natin diyan. Kailangang pag-aralan muna natin kung sustainable ba ‘yung gagawin kasi, if we will look at the records—financial, technical, ang kaya lamang mag-stand-alone ay Puerto Princesa kasi dito ang bulk ng demand,” pahayag ni Paleco Chairman Jeffrey Tan-Endriga.
“Kung isi-separate mo ‘yung Puerto Princesa sa north and south, baka hindi maging sustainable [ang plano],” giit niya.
Ngunit nilinaw naman niyang ngayon pa lamang ay plano na rin nilang unti-unting i-develop at i-orient ang kanilang mga empleyado na ididestino sa sur at norte ng lalawigan.
“Pero ganon pa rin, Paleco controlled pa rin [sila] pero magsu-supervise na lang ang main. [Kaya] unti-unti, tinuturuan natin silang i-operate ang sarili nila,” aniya.
“Time will come talaga na magkakaroon ng separation pero bago natin gawin ay turuan natin sila kasi kung bibitawan natin agad ‘yan, hindi magsu-sustain ‘yan tapos papasok pa ang mga may interest na hindi naman serbisyo kundi negosyo,” parunggit pa ni Endriga. Matagal na ring bukambibig ni Endriga na may pilit na kumuha sa Paleco na mga electric companies, sa ngalan ng negosyo.
Ipinaliwanag din ng Paleco official na huwag silang ikumpara sa ibang lugar sa bansa dahil iba ang sitwasyon ng Palawan.
Inihalimbawa ni Endriga ang Batangas Electric Cooperative na mayroong 2,000 connected member-consumers sa kada kilometro samantalang sa lalawigan ay “pasalamat na lamang tayo rito kung may [50 kabahayan]” habang sa lungsod naman ng Puerto Princesa ay maaaring nasa 150 or 200 kabahayan [sa kada kilometro ang kunektado sa Paleco].
“Outside Puerto Princesa, ang lalayo ng distance ng [mga] bahay….Ganun kasi ang [kadalasang] sitwasyon [dito sa Palawan], mas malalapad kasi ang lupain dito, mga basakan….Bago ka makarating sa mga kapitbahay mo, isang kilometro [pa aang aagwat]; minsan papasok ka pa, wala pang kalsada, pilapil pa ‘yung dadaanan mo,” saad niya.
Magkagayunpaman, tiniyak ng Paleco na hindi sila nagpapabaya.
“Parang ang gusto naman kasing mangyari ng ating Governor—bringing the government closer to the people; tayo ganon din, bringing Paleco closer to the MCO’s para mabilis, hindi naka-concentrate dito sa ating main office [sa lungsod at] kung may mga complaints, may mga applications, [hindi na] tambak dito. Ngayon, ang gagawin natin, [halimbawa] ang north ay [magkakaroon na] ng sariling finance department, technical services department, o sariling branch…kasi sa ngayon, satellite office lang [mayroon ang Kooperatiba],” ang mas nilinaw pang pagpapaliwanag ni Endriga ukol sa mga nakalatag na umanong mga plano ng Paleco.
Inaasahan umanong maipatutupad ito sa susunod na taon, kung saan maliban sa ilalagay na mga tauhan sa sur at norte ng Palawan ay magkakaroon din ng aaktong tagapamahala sa lahat ng operasyon sa kanilang nasasakupan na inaasahang mas magpapaganda pa umano sa serbisyo ng Palawan Electric Cooperative.
Discussion about this post