Kinumpirma ng Southern Philippines Medical Center (SPMC) na 11 sa 14 na pasyenteng may monkeypox (mpox) ang positibo rin sa HIV, na nagpapahirap sa kanilang kalagayan dahil sa mahinang immune system.
Ayon kay Dr. Ricardo Audan, hepe ng SPMC, pito sa mga pasyenteng ito ang kasalukuyang naka-confine sa ospital, kabilang ang isang pasyenteng muling nagkaroon ng relapse matapos na ma-discharge.
“We handled 14 reported mpox cases. Seven are still admitted at SPMC. The other seven were discharged – two of them were confirmed positive and have recovered, three tested negative, one died with confirmed mpox, and another one died but tested negative for mpox,” aniya sa isang media forum nitong Miyerkules.
Karamihan sa mga pasyente ay kalalakihan na walang makabuluhang history ng paglalakbay sa ibang bansa, maliban sa isa. Naniniwala ang ospital na ang transmisyon ay nangyari sa pamamagitan ng skin-to-skin o sexual contact, na mahirap tuklasin.
Mula Enero hanggang Hunyo 2, mayroong pitong kumpirmadong kaso ng mpox sa Davao City. Sa 49 na close contacts na naitala, 35 ang nakatapos ng 21-araw na monitoring nang walang sintomas, habang 14 ang patuloy na minomonitor.
Pinangunahan ng SPMC ang paghahanda sa pagharap sa mga kaso ng mpox, kabilang ang pagkakaroon ng mga isolation rooms na may negative pressure system at 19 kama, pati na rin mga tauhang sanay sa pag-manage ng mga emerging disease, gaya ng ginawa nila noong COVID-19.
Nilinaw ni Audan na hindi airborne ang mpox, ngunit nagbigay siya ng paalala na mainam pa ring magsuot ng face mask sa mga matataong lugar bilang pag-iingat. Hinihikayat din ang publiko na panatilihin ang kalinisan, iwasan ang mataas na panganib na contact, at agad magpatingin kung makaranas ng lagnat, pantal, o pamamaga ng kulani.
Naunang naitala ang unang kaso ng mpox sa Pilipinas noong Hulyo 2022, kung saan apat na kaso ang na-report at lahat ay gumaling. Noong panahong iyon, idineklara ng World Health Organization (WHO) ang mpox bilang public health emergency, na inalis naman noong 2023.
Sa taong ito, 18 na kaso ng mpox ang naiulat sa bansa, ngunit wala pang naitala sa Davao City hanggang Abril 10, nang ma-admit ang unang suspected case sa SPMC.
Sa kabila ng pagtaas ng kaso ng mpox, mas malaki pa rin ang banta ng HIV sa bansa. Ayon kay Audan, nangunguna ang Davao City sa rehiyon pagdating sa HIV cases, kasunod ang Davao del Norte.
Sa pambansang antas, higit 148,000 ang aktibong kaso ng HIV. Mula Enero hanggang Marso ngayong taon, umabot sa average na 57 na bagong kaso kada araw ang nai-report, isang 500 porsyentong pagtaas sa nakaraang mga taon, ayon kay Health Secretary Teodoro Herbosa.
“Mas malaki pa rin ang panganib ng HIV kaysa sa mpox,” babala ni Audan. Pinakamataas ang bilang ng bagong HIV cases sa Western Pacific Region ang Pilipinas, at kabilang sa mga batang na-diagnose ay isang 12-anyos mula sa Palawan.