Sa gitna ng pagsubok na nararanasan ngayon sa buong bansa dulot ng COVID-19, bagamat salat man sa kagamitan ang Pilipinas ay damang-dama naman ang kultura ng “Bayanihan” at pagtutulungan sa kahit anumang kapamaraanan.
Ilang good vibes stories na rin ang ipinamalas gaya ng sa lungsod at lalawigan ng Palawan kabilang na ang pamamahagi ng sariwang prutas ng isang resort na nakabase sa Lungsod ng Puerto Princesa.
Ayon sa manager ng Angela’s Pool Resort na dati ring kawani ng media na si Rodolfo “Pong” Idusora, tatlong ospital na sa siyudad ang binisita ng kanilang grupo para mabigyan ng “Fresh Bouquet Mango” na may kasama pang pancake.
“We salute to all frontliners for this fight. You are Heroes! Thank you for saving our lives!” ang laman ng papel na kasama sa kanilang regalo sa mga frontliner.
Una nilang tinungo ang Coop Hospital, sunod ang Adventist Hospital, at kanina ang Ospital ng Palawan (ONP) na lubos naman umanong ikinagalak ng mga nakatanggap.
Maliban sa mga medical staff, binigyan din nila ang mga istasyon ng radyo at ang mga uniformed personnel frontliners na nasa mga checkpoint.
“Nakatutuwa nga kasi sobrang na-appreciate nila kahit ganun lang. [Sabi nila] pandagdag daw Vitamin C nila,” ang masayang wika ni Idusora.
Kwento niya, sa isang grupo tulad sa mga checkpoint ay tagdadalawang bouquet ang kanilang ibinibigay. Ang bawat bouquet naman umano ay naglalaman ng anim o walong mangga.
“Kasi need talaga ng natural Vitamin C ng mga frontliner sa panahon ngayon, Eh! Madaming mangga dito sa Angela’s [kaya] sabi namin, maganda, mamigay [kami]. ‘Yun na lang maitulong din namin. Tapos ginawa namin ‘yung bouquet para ihandog sa kanila ng presentable at may efforts with love,” dagdag pa niya.
Plano na rin umano nilang matapos ito ay mamamahagi rin sila ng tubig sa lahat ng frontliners.
Maliban naman dito, nasa 12 pamilya rin umano ng kanilang mga trabahante na binubuo ng 80 katao ang kinupkop ng kanilang resort simula nang ipatupad sa kalakhang Luzon ang Enhanced Community Quarantine (ECQ).
“Naka-accommodate sila rito sa iba’t ibang mga bungalow at ang Angela’s lahat ang nagpapakain—full board from breakfast, meryenda hanggang dinner. Nag-start pa kami rito noong March 16. Inihahatid ang mga pagkain ng bawat pmilya sa mga bungalow para ma-maintain pa rin ang social distancing at araw-araw kaming nag-i-spray ng disinfectant.
Mayroon din kami sa gate na standby spray,” dagdag pa ni Idusora.
Discussion about this post