Matagumpay ang naging operasyon kay Joshua Garcia, isang mangingisdang buhat sa Bayan ng Taytay, Palawan na naka-catheter sa loob ng 10 taon dahil sa sugat sa kanyang ari.
Sa isang video na pinost ng Kura Paroko ng La Immaculada Concepcion at Convenor ng Buklod Calamianes Movement na si Rev. Fr. Roderick Caabay sa kanyang social media account kagabi, taos-pusong nagpaabot ng kanyang pasasalamat ang pasyente matapos ang operasyon.
“Naoperahan na po ako. Tapos na po ‘yong operasyon ko kaya maraming-maraming salamat po, unang-una sa Panginoon na nakabalik na rin po ako sa dati. Natapos na rin po ‘yong problema ko sa pag-o-opera. Sa mga tumulong po, maraming-maraming salamat. Sana, marami pa po kayong matutulungang tao na kagaya ko,” ayon kay Garcia.
Pinasalamatan din niya ang mga nagbigay ng dasal na malusutan ang kinaharap niyang problema na dala-dala niya sa mahabang panahon.
Sa nasabing post naman ni Fr. Caabay ay personal niyang pinasalamatan ang mga may mabubuting puso na duminig sa kanilang panawagan ng tulong para sa mangingisdang si Joshua.
“Thank you! Dear friends for helping Joshua Garcia. At 7 PM tonight (May 18), he was discharged from [the] hospital and into [his] full recovery [already],” ang bahagi pa ng post Kura Paroko.
Partikular na pinasalamatan ng pari ang kaibigan ni Garcia na si Erick Fuentes na unang nagpaabot ng hinaing sa social media, sa pamunuan ng PSWDO sa pangunguha ni Provincial Social Welfare and Development Officer Abegail Ablaña sampu ng kanyang mga kasamahan, kay Palawan First District Rep. Chicoy Alvarez, Taytay Mayor Cristian Rodriguez, sa kalihim ng Brgy. Maytegued sa libreng pagpapagamit ng bangka, sa ilan pang kilalang personalidad at mga indibidwal at sa lahat ng mga kaibigan at anonymous donor.
Special mention din ni Rev. Fr. Caabay ang kabutihang-loob ni Dok Ramil Morales, isang Urologist and Surgeon sa pag-o-opera ng libre kay Joshua at sa kabutihan din ng kabiyak ng nasabing doktor.
“Kind nurses of Coop [Hospital], Erick was impressed about your service and friendliness!” ayon pa sa pari.
Samantala, sa impormasyong ipinaabot ni Fr. Caabay sa Palawan Daily News team, kasalukuyan pang nasa Lungsod ng Puerto Princesa ang pasyenteng si Joshua para sa kanyang follow-up check-up matapos ang dalawang linggo.
Discussion about this post