Humingi ng pang-unawa ang Narra Medicare Hospital sa publiko na unawain ang estado ng kanilang pasilidad sa pagbibigay ng serbisyong medikal at pangkalusugan sa mga pasyenteng sumasangguni sa kanilang ospital.
Kasabay ito ng paghingi ng paumanhin ng pamunuan ng Narra Medicare Hospital sa publiko.
Ito ay matapos ang mga kontrobersiyang kanilang kinaharap nitong nagdaang mga araw patungkol sa mga reklamo ng ilang mga pasyente hinggil sa kawalan umano nila ng kapasidad na mabilisang maitransfer sa mga ospital sa lungsod ng Puerto Princesa ang mga pasyente nilang nangangailangan ng agarang solusyon gayundin umano ang ilang mga reklamo mula sa mga pasyenteng hindi raw nila nabigyan ng akmang serbisyong pangmedikal.
Sa pahayag ni Dr. Perseverando Tangug, Chief of Hospital ng Narra, ipinaliwanag nito ang dahilan ng reklamo ng ilang mga nagdaang nilang pasyente nakaraan na siya namang naging laman ng balita sa iba’t-ibang istasyon ng radyo sa probinsya.
Ayon kay Tangug, isang dahilan ng reklamo ang kawalan ng akmang impormasyon ng publiko na ang Narra Medicare Hospital ay isang infirmary level facility pa lamang. Ibig sabihin nito, maari lamang ma-cater nang ospital ang mga pasyenteng mayroong pangunahing karamdaman kagaya ng dengue, malaria, mga simpleng sakit sa baga kagaya ng bronchitis at mild pneumonia, diarrhea, at iba pang hindi malalang sakit na maari nilang mabigyan ng lunas.
“Mahigpit na ang regulation ang DOH ngayon. Categorized na nila ang mga ospital. Infirmary, Level 1 at Level 2. Sa ngayon ay Infirmary tayo. May mga services lang na kaya nating i-cater dito. Ubo, sipon, mga respiratory problems na kaya nating ma-manage dito. May list kasi ang Philhealth at DOH na ibinibigay na ikaw ganitong level ang ospital mo, ito lang ang sakit na dapat mong i-cater para makapagbigay kami ng benepisyo,” ani ni Tangug.
Dagdag ni Tangug, ang mga ospital na nasa infirmary level ay nangangahulugang hindi pa sapat ang kagamitang pangmedikal, mga gamot, serbisyong laboratoryo gayundin ang sapat na manpower sa pag-gamot at pag-admit ng mga pasyenteng itinuturing na nasa “high-risk” na kondisyon.
Ilan sa mga pasyenteng nasa “high-risk” na lebel, halimbawa, ay ang mga buntis na nasa komplikadong kondisyon na kinakailangan na ng Caesarean Section (CS), mga pasyenteng nag-aagaw buhay, mga pasyenteng mayroong malala nang karamdaman at iba pang sakit na nangangailangan ng atensiyon na masosolusyonan ng mga ospital na nasa Level 1 kagaya ng Aborlan Medicare Hospital o Level 2 kagaya ng iilang ospital sa Puerto Princesa City.
“Kapag ang mga kaso ay kailangan na ng specialist, kung ooperahan ba yan, kung maraming laboratory ang kukunin na mas mataas ang antas kagaya ng CT Scan, o kaya kailang ma-ICU ang pasyente, wala tayo niyan dito. Kaya kailangan doon sila sa higher level para tuloy ang provision ng benepisyo galing sa Philheath at quality ang service na maibigay sa pasyente,” ani ni Tangug.
Isa pang dahilan ng reklamo, ayon sa doktor, ay ang kawalan ng sariling ambulance unit ng kanilang pasilidad. Bagaman ito ay matagal nang suliranin, iginiit ni Tangug na patuloy ang kanilang pagrerequest nito sa mga ahensiya kagaya ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), Department of Health (DOH), gayundin sa Palawan Provincial Government.
“Gumagawa naman kami ng effort na mag-request niyan sa PCSO o sa congressman kung hindi pa ma-provide ng province. Years ago, narequest na ‘yan kaya lang marami kasing proseso yan. May bidding. So kami nag-aantay,” ani ni Tangug.
“Nagkaka-delay kasi ‘yan dahil unang-una hindi kumpleto ‘yung mga service units. Andiyan ‘yung ER, pero pagtrans-out na ng pasyente, ‘yung unit na dapat responsible dun na ambulance unit o service, ‘yun ‘yung wala kami,” dagdag niya.
Bagaman wala silang sariling ambulance unit, sila umano ay nakikipag-collaborate umano sa lokal na service rescue ambulance ng munisipyo ng Narra gayundin ang ambulance service ng Narra Rural Health Unit (RHU) upang maitransfer ang mga pasyenteng nangangailangan ng eskpertong atensiyon sa ibang mas mataas ng lebel na ospital.
“Nakikipag-tie up kami sa service ng LGU o RHU or sa 165 as advised din ng DOH para ma renew ang license namin. Kapag may kailangan kaming itrans-out na pasyente, tumatawag kami if may available sila,” aniya ni Tangug.
Aniya, isa ring suliranin ang kakulangan ng tao ng kanilang ospital, sapagkat sa ngayon ay mayroon lamang silang 23 regular na empleyado, 2 doktor na siyang nagpapalitan ng shifting schedule, at ang natitirang mga empleyado ay pawang mga contractual workers na sa nasabing pagamutan.
“Manpower. Kailangan ng espesyalista para makabigay ka ng quality medical service. Hindi naman natin sinasabi na walang kalidad ang serbisyo natin dito pero pag dumadating kasi ang tao may expectation sila na agad masosolusyonan dito. Kaya inililipat ang pasyente dahil gusto natin silang mabigyan ng quality medical management na maibibigay ng mas higher facility which is Level 1 or Level 2 hospitals,” ani ni Tangug.
“Ang regular employees namin ay 23 lang kaming lahat, para madagdagan may mga contractuals. 2 lang doktor natin, isa sa ER at isa sa Out-Patient,” dagdag niya.
Ito ang iilan sa mga dahilang ipinaliwanag ng Narra Medicare Hospital kaukol sa mga reklamong hanggang sa ngayon ay kanilang kinakaharap.
Ipinaalam din ni Tangug na siya ay nakipag-pulong na kamakailan kay Palawan Governor Jose Chavez Alvarez patungkol sa mga suliraning kinahaharap ng pasilidad at nagpapasalamat ito dahil sa positibong sagot ni Alvarez na masolusyonan ang problema.
“Ginagawa na din ng provincial government ang lahat para matugunan na ito. Nagpapasalamat tayo kay gov dahil siya ang may vision na magkaroon ng Level 1 hospitals ang lahat ng munisipyo,” aniya ni Tangug.
Layunin din umano ng gobernador na mas mapalawak pa ang serbisyong pangkalusugan sa mamamayang Palaweño. Patunay nito ang napipintong pagbubukas ng ilan pang pampublikong ospital sa probinsya sa tulong ng DOH at ng provincial government sa susunod na taon.
Sa kabilang banda, inamin din ni Tangug na naapektuhan ang mga mang-gagawa ng kanilang ospital sa mga kinaharap na reklamo na ilang araw ding naging mainit na usapin ng mga lokal na netizen sa social media.
“Nade-demoralize na ‘yung ibang mga kasama namin dito. But despite of that, ginagawa pa rin naman ang trabaho namin. Serbisyo pa rin. Masakit kasi nade-demoralize ang mga tao. In fact, may mga doktor dito na magre-resign na, may mga nurses na contractual ayaw na mag-renew. Sana naman mabago pa ang sitwasyon sa papasok na taon,” giit ni Tangug.
Sa huli ay nanawagan ang puno ng ospital nang lubos na pasensiya at pang-unawa patungkol sa kanilang sitwasyon.
“Sana naman ang mga kababayan natin maging understanding din na ganito pa lamang ang ospital natin sa ngayon. Pinagpipilitan natin na makapag-serbisyo, if not the best, better service, kung may reklamo, andito naman kami para ma-address agad at hindi na lumaki ang problema,” ani Tangug.
Discussion about this post