Humihiling na ang pamunuan ng Ospital ng Palawan sa Department of Health ng karagdagang supply ng cartridge na ginagamit sa GeneXpert testing machine sa pagsusuri sa probable COVID-19 patients upang matukoy kung ang mga ito ay positibo o negatibo sa nakamamatay na virus.
Sa panayam ng Palawan Daily News kay Dr. Audie Cipriano, ang chief of medical professional staff ng ONP, sinabi nitong nabawasan na kasi ang kanilang initial stocks na nasa 700 mula sa DOH sa dami ng kinailangang isailalim sa swab test dito sa lungsod at lalawigan.
“Hindi s’ya kulang but nabawasan na ‘yong initial stocks natin sa dami ng nagpapa-test. Hindi naman magsu-suffice ‘yon kaya humihingi kami ng panibagong replenishment sa DOH. Cartridge s’ya and kailangan mo ng BPM ‘yong transport media,” ani Dr. Cipriano sa panayam ng Palawan Daily News.
Sinabi pa ng health official na sapat pa naman ang stocks nila sa ngayon na nasa 500 pa pero maaga lang anya ang kanilang request dahil inaasahan din na mas marami pa ang magpapasuri kasunod ng patuloy na pag-uwi ng mga Palaweñong na-stranded sa labas ng probinsya.
“Ang daming nagpa-test kaya s’yempre nabawasan na and we have to replenish or manghingi kami ng request for additional. Mas maganda na ngayon pa lang dahil siguradong marami pa ang magre-request ng testing pero lahat ‘yan ay dumadaan naman sa RESU,” dagdag pa nito.
Samantala, nilinaw din ni Cipriano na ang swab testing sa Ospital ng Palawan ay hindi bukas sa sinumang nais magpa-test bagkus ay may sinusunod silang guidelines mula sa DOH.
Discussion about this post