Minsan na ring naitanong ng mga Konsehal sa isang sesyon ng Sangguniang Panlungsod kung maaari rin bang tumulong ang Wescom hospital sa pag-cater ng mga pasyenteng may COVID-19 bunsod ng biglang pagtaas ng kaso nito sa lungsod.
Sa isang virtual activity na pinangunahan ng Tactical Operations Wing West (TOW-WEST) at PAF Civil Military Operations Group para sa Usapang Pangkapayapaan, Usapang Pangkaunlaran (Up Up)-Palawan kamakailan na nakasentro sa usapin ukol sa COVID-19, ipinaliwanag ng medical officer ng Camp General Artemio Ricarte Station Hospital (CGARSH) na si Capt. Marlou Jay C. Madrigal na hindi iyon magagampanan ng CGARSH. Aniya, ito ay sa kadahilanang walang kakayanan ang ospital para sa malubhang kaso at bilang bahagi na rin ng kanilang pag-iingat.
“Yong hospital kasi namin, it is a Level 1 Hospital. Hindi kami maka-manage ng mga severe cases ng COVID. Wala kaming ICU units dito,” pahayag ni Capt. Madrigal.
Sa katunayan, aniya, sa Ospital ng Palawan (ONP) nila ipinadadala ang kanilang mga pasyente kapag hindi na nila kayang i-manage sa CGARSH. Ang mga pasyenteng iyon ay mga sundalo at ang kanilang mga dependents, ang mga authorized civilian at ang kanilang mga dependents, at ang mga civilian in emergency.
Kabilang din umano sa mga dahilan kung bakit hindi sila maaaring tumanggap ng mga sibilyang may sakit na COVID-19 ay dahil magkakalapit-lapit lamang ang mga tanggapan sa compound ng Western Command. Aniya, kung kukuha pa sila ng pasyente ay may risk na pwedeng kumalat sa loob ang virus at tiyak na mapipilayan ang kanilang malaking papel na ginagampanan sa kabuuan.
“At isa rin [sa mga dahilan], ay sa nature of works dito sa Wescom– inalaagaan din namin ang mga tropa [namin] dito kasi maselan din ang mga trabaho nila. Eh! Kung magdala kami ng pasyente rito, may risk na rin na ma-expose ‘yong tropa rito,” ayon pa sa opisyal.
Aniya, dahil sila ang nasa huling frontline sa ospital, kaya ang ipinatutupad at sumusunod nilang protocols ay “two steps higher” kung ikukumpara sa labas.
“Madaming kampo [rito], may Airforce, may Navy. Eh! What if, magka-COVID ang Airforce, sino mamamahala doon sa West Philippine Sea? Sa insurgencies, sino ang mamamahala roon? At isa pa, ‘yong military assets natin, ‘yon din mostly ang ginagamit sa pag-transport ng goods; kung mga vaccines na dadalhin dito sa Palawan, ang mga military assets naman ‘yong mga mamamahala roon. Kung magkaka-COVID dito, sino ang magdadala no’n?” wika pa niya.
At gaya rin umano ng ibang ospital ay namomroblema rin sila pagdating sa manpower dahil tulad nilang mga doktor ay hindi naman iyon ang kanilang trabaho kundi may mga management task din sila.
Ani Dr. Madrigal, lagi silang nakahandang tumulong sa siyudad at sa lalawigan basta’t hindi rin malakagay sa kompromiso ang kanilang hanay na mayroong ng maselang mga tungkulin sa Lalawigan ng Palawan.
“Nasa gobyerno kami, may kanya-kanya kaming trabaho rito. Actually, in close contact naman kami sa IMT. Napag-usapan naman namin ‘yan. Kung may maitutulong naman kami without risking the troops here, ibibigay namin kasi kami, nanghihingi din ng tulong sa kanila,” ayon pa kay Dr. Madrigal.
Sa kabilang dako, nananawagan naman ang opisyal sa mga mamamayan na sundin ang mga protocol upang masugpo ang COVID-19 at pumirmi sa tahanan kung wala namang lubhang kailangan para lumabas.
Discussion about this post