Ngayong Lunes, ika-12 ng Agosto, idineklara ni Pangulong Duterte na regular holiday ang araw na ito bilang paggunita sa Eid al-Adha, o Feast of Sacrifice. Para sa karamihan, isa lamang itong long weekend. Pero ano nga ba talaga ito?
Ang Eid al-Adha ay ginugunita ng mga Muslim bilang pagpupugay sa pagsasakripisyo ni Ibrahim (o Abraham sa Kristiyanismo) ng kanyang anak, ayon sa Qur’an. Isa ito sa pinakasagradong selebrasyon ng Islam, bukod sa Eid al-Fitr, o ang pagtatapos ng Ramadan.
Ang Eid al-Adha ay ginugunita sa pamamagitan ng pagsasakripisyo ng hayop, na maaaring isang baka, kambing, o tupa, na hahatiin sa tatlong piraso. Isang bahagi ay ipapamahagi sa mga mahihirap, isa para sa kanilang pamilya, at isa para sa mga kapitbahay. Maliban pa rito, nagdadasal din sila ng mga espesyal na panalangin. Isang tradisyon din tuwing Eid al-Adha na magsuot ng magagarang damit, at magbigayan ng regalo.
Sumasabay ang Eid al-Adha sa pagtatapos ng Hajj, o banal na paglalakbay sa banal na lungsod ng Mecca. Lahat ng Muslim ay inaasahang maisagawa ito ng kahit isang beses lang sa buong buhay nila. Eid Mubarak sa ating mga kapatid na Muslim!
Discussion about this post