Kinondena ng ilang senador sa Pilipinas ang pelikulang “Plane” na pinagbibidahan ng Hollywood celebrity na si Gerard Butler dahil umano sa negatibo at delikadong paglalahad nito ng imahe ng bansa, partikular na sa Jolo, kung saan nakabase ang istorya ng pelikula.
Nanguna sa pagtutol na ipalabas pa ito sa bansa ang dating action-star na si Senator Robin Padilla. Sinabi nito na “masakit” at dismayado ito na mapanood ang pelikulang Plane dahil ipinapakita nito na duwag ang mga awtoridad ng bansa sa paglaban sa mga rebelde.
Ayon kay Padilla, may parte sa nasabing pelikula kung saan ipinalabas ang pag emergency landing ng eroplano ng bida sa Jolo, na teritoryo ng mga kalaban ng gobyerno, at wala na ang mga sundalo na dapat sumaklolo rito.
Katwiran ni Padilla, siniraan umano ng pelikula ang imahe ng Pilipinas dahil sa maling pag-lalahad nito sa totoong sitwasyon ng Jolo sa ngayon.
“Sana po, nakikiusap po tayo sa ating MTRCB na sana po sa mga ganitong ganap kumakatok tayo sa opisina nila, di po dapat ito pinapalabas sa Pilipinas. Dito po dapat sa ating bansa pinagbabawal ito at kino-condemn po natin ito,” ani Padilla.
“Reputasyon po ng Inang Bayan ang pinaguusapan dito. Alam niyo po, pagka tayo pag pinaguusapan natin ang bayan natin at mga diperensya, okay lang ‘yan kasi trabaho natin ‘yan. Pero pagka ibang bansa na po ang bumabanat sa atin dapat hindi dapat tayo pumapayag,” dagdag ng senador.
Sumang-ayon naman dito si Senator Juan Miguel Zubiri at sinabing taliwas ang ipinapakita ng pelikula sa kasalukuyang sitwasyon sa Jolo at maaaring magdulot ito ng epekto sa turismo ng bansa.
“As a nation we should send our regrets that this is not the real situation on the ground,” ani Zubiri.
Discussion about this post