BROOKE’S POINT, PALAWAN — Matagumpay na naisagawa sa bayan ng Brooke’s Point kamakailan ang kauna-unahang Southern Palawan Brunei, Indonesia, Malaysia, Philippines East ASEAN Growth Area (BIMP-EAGA) Business-Tourism Forum-Cum-Business Matching and Expo na itinaguyod ng Palawan Economic Development Council (PEDCO).
Katuwang ng PEDCO sa pagtataguyod ng gawain ang BIMP-EAGA Business Council (BEBC)-Palawan, Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan, Department of Tourism, Mindanao Development Authority (MinDA), Department of Trade and Industry (DTI), Mindanao Business Council Inc., at Autonomous Region in Muslim Mindanao. Tampok sa trade exhibit ang ilang mga produkto ng lalawigan na maaaring ibenta sa mga bansang kasapi sa BIMP-EAGA.
Ikinatuwa ni Datuk Haji Roselan Johar Mohamed, kasalukuyang hepe ng BIMP-EAGA, Sabah, Malaysia ang pagkakaroon ng naturang aktibidad sa kadahilanang malaki ang magiging ambag nito sa pagbubukas ng kalakalan sa pagitan ng Palawan at Sabah kapag nagsimula na ang operasyon ng Buliluyan Port. Sa pamamagitan umano nito ay may ideya na ang mga lokal at banyagang negosyante kung aling mga negosyo sa lalawigan ang angkop sa kanila.
Hiniling din ni Datuk Roselan na sana ay mabuksan na sa lalong madaling panahon ang Buliluyan Port upang maumpisahan na agad ang pagpapalitan ng mga produkto sa pagitan ng mga bansang kaanib sa BIMP-EAGA.
Ikinatuwa naman ni Vice-Governor Victorino Dennis M. Socrates ang pagkakaroon ng naturang aktibidad dahil ipinakikita umano nito na sinusuportahan ng pribadong sektor si Governor Jose Ch. Alvarez sa layuning mapalakas ang lokal na ekonomiya at maitaas ang antas ng pamumuhay ng mga Palaweño. Dagdag pa ni Vice-Governor Socrates na mahigit pitumpung (70) mga kasunduan sa pagitan ng mga negosyanteng dumalo sa aktibidad ang nasisigurong lalagdaan bago pa man buksan ang Buliluyan Port.
Ang dalawang araw na aktibidad ay dinaluhan ang mga delegasyon mula sa mga bansang Malaysia, Indonesia, at Korea kasama ng mga negosyante at namumuhunan mula sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan at bansa. /PR
Discussion about this post