Nagbabala ang Philippine National Police (PNP) laban sa mga indibidwal na magbebenta ng paputok online, sa posibilidad na sila ay legal na maparusahan kahit na ang produktong ibebenta ay aprubado ng gobyerno para sa publiko.
Sa ginawang news briefing ng PNP kahapon, Disyembre 27, sa Camp Crame, iginiit ni PNP Public Information Officer Col. Jean Fajardo na ang pagbebenta ng legal na paputok online, nang walang karampatang permiso, ay mahigpit ipinagbabawal.
Ang mga lalabag, ayon sa PNP, ay maaaring kumaharap sa mga kasong nakapaloob sa Republic Act No. 7183 at Cybercrime Prevention Act.
Inaasahan ng PNP na tataas pa rin ang bentahan ng paputok ngayong palapit na ang bagong taon, sa kabila ng mahigpit na pagbabawal ng ilang LGUs sa buong bansa.
Kamakailan, ayon sa PNP, ay nahuli ng Anti-Cybercrime Group (ACG) ang dalawang indibidwal matapos nilang magbenta ng paputok online ng walang kaukulang permiso noong Disyembre 19 at 21.
Kinilala ang dalawang arestado bilang sina Sabino Medenilla, 19-anyos, at Rodel Constantino, 39-anyos, na parehong nahuli sa Caloocan City.
Samantala, pinapayuhan ni Col. Jay Guillermo, pinuno ng ACG’s cyber response unit, ang publiko na bumili ng paputok mula sa awtorisadong bilihan, at huwag tumangkilik sa mga indibidwal na maaring magbenta nito online.
Sa kabuuan, dadag ng PNP, ay nakapag-confiscate na sila ng 35,000 piraso ng ipinagbabawal na paputok na may katumbas na halagang P192,000 sa mga operasyong ikinasa sa buong bansa.
Discussion about this post