Mawawala na ang anumang agam-agam ng mga cell phone owners dahil wala nang expiration ang kanilang SIM cards, kahit walang load nang matagal na panahon basta ito ay naiparehistro na simula sa ika-27 ng Disyembre.
Binigyang diin ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Usec. Anna Lamentillo, wala nang dapat ipangamba ang sinuman, dahil walang expiration ang mga rehistradong SIM cards.
Sa ngayon, mula dalawa hanggang anim na buwan lamang ang maaaring itagal ng isang SIM card at tuluyan na itong made-deactivate sakaling nakaligtaang malagyan ng load sa loob ng naturang panahon.
Sinumang indibidwal ay maaaring magkaroon ng maraming rehistradong SIM cards, at ngayon ngang darating na ika-27 ng buwang kasalukuyan, magsisimula na ang rehistrasyon.
Bukod sa pagbisita sa website ng telco provider, kinakailangang makapagpakita ng valid ID ang may-ari, bago mairehistro ang SIM.
May ilalaang mga registration centers sa malalayong lugar sa loob ng 2 buwan o 60 araw para ganap na maserbisyuhan ang bawat mamamayang Pilipino.
Discussion about this post