Arestado ng Police Station 1 at City Anti-Crime Task Force ang dalawang babae sa entrapment operation sa isang pawnshop sa Rizal Avenue, Puerto Princesa matapos na magsangla ng mga pekeng alahas.
Kinilala ang dalawa na sina Jasmin Barreto Sampaga, 50-anyos, residente ng Tondo, Manila at si Rose Ann Buhucan Montes, 29-anyos, residente ng Caloocan, Manila.
Ayon kay Julius Caesar Taguas Velasco, appraiser ng pawnshop, tatlong sets ng hikaw at dalawang sets ng singsing ang isinangla ng dalawa. Sa kanilang pagsusuri ay peke ang mga alahas na sinasangla kaya agad silang tumawag ng pulis para maimbestigahan.
Sa report ng Police Station 1, Marso 10 nang ikasa nila ang entrapment operation laban sa dalawa matapos pabalikin ang mga ito sa Rizal Branch. Naaresto ang dalawa sa tulong ng City Anti-Crime Task Force.
Napag-alaman na maliban sa may kaso ng pagnanakaw, gumagamit din ang mga ito ng pekeng IDs para ibahin ang kanilang pangalan.
Iniimbestigahan na ng pulisya ang dalawa at nahaharap sa kasong estafa at paggamit ng pekeng pangalan.
Discussion about this post