Himas-rehas na sa ngayon ang dalawang residente ng Bayan ng Culion matapos dakpin ng mga alagad ng batas dahil sa ilegal na pagsusugal.
Kinilala ang mga suspek na sina Gilbert Daco Galigao, 32 taong gulang, may asawa, magsasaka at Enrique Daboc Aboratigue, 51 anyos, may asawa, isa ring magsasaka at kapwa mga residente ng Sitio Balangga, Brgy. Luac ng nabanggit na munisipyo.
Base sa spot report buhat sa Palawan PPO, sa pamamagitan ng warrant of arrest na ibinaba ni Judge Perly Anne Pe ng Culion Municipal Trial Court noon lamang Mayo 26 ay dinakip ng Culion Municipal Police Station (MPS) ang nasabing mga suspek bandang 1:30 PM kahapon, ika-1 ng Hunyo.
Nahaharap sila ngayon sa kasong paglabag sa PD 1602 o mas kilala bilang “Illegal Gambling.” Inirekomenda naman ang piyansang nagkakahalaga ng P30,000 bawat isa para sa pansamantala nilang kalayaan.
Sa kasalukuyan ay nasa kustodiya na ng Culion MPS ang mga suspek at nakatakdang iharap sa issuing court para sa tamang disposisyon.
Discussion about this post