Nasawi ang isang 46-anyos na babaeng motorista matapos magulungan ng dump truck sa kahabaan ng Macadam Road, Barangay Rio Tuba, Bataraza, nitong Oktubre 20, bandang 11:40 AM.
Natukoy ang biktima na si alyas “Rona”, na isang residente ng parehong barangay. Kinilala naman ang drayber ng HOWO dump truck na si alyas “Ramon”, 44, may lisensya, at residente rin ng nabanggit na barangay.
Ayon sa ibinahaging impormasyon ng Palawan Police Provincial Office (PPO), bandang 12:30 ng tanghali nang makatanggap umano ng tawag ang Bataraza Municipal Police Station (MPS) kaugnay sa nangyaring insidente. Agad namang nagpadala ng mga pulis sa lugar upang beripikahin ang ulat.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, parehong binabaybay ng biktima at dump truck ang kahabaan ng kalsada ng Macadam Road. Pagdating sa lugar ng insidente, habang nilalampasan ni “Ramon” ang motoristang si “Rona”, bigla umano nitong iniwasan ang malubak na bahagi ng kalsada dahilan upang masagi at magulungan ang biktima.
Agad na nasawi ang biktima dahil sa insidente, habang ang drayber naman ay hindi umano nakapansin at nagpatuloy lamang sa pagmamaneho.
Kaugnay nito, dinala ang katawan ng biktima sa Bataraza Rural Health Unit para sa post-mortem examination. Kasalukuyan na ring nasa kustodiya ng Bataraza MPS ang naturang drayber para sa inquest proceeding.