Arestado ang dalawang Chinese Nationals at isang Pinoy sa Barangay Minara, Roxas, Palawan noong Oktubre 17, pasado 5:10 ng hapon matapos tangkaing ipuslit ang mga shark fins at sea cucumbers.
Ayon sa ulat ng Palawan Provincial Police Office, nakilala ang mga lumabag na sina Yixiang Huuang, 63 anyos, at naninirahan sa Danao City, Cebu, Aaron Tan Wee, 38 anyos, at naninirahan sa Tacloban Leyte, parehong mga Chinese national, at si Moktar Anodin Pendiwata, 40 anyos, at residente sa Barangay Danleg, Dumaran, Palawan.
Nagsagawa umano ang Roxas MPS kasama ang mga tauhan mula sa 2nd PMFC, NISG, PIU-Palawan, at LTO Palawan, ng COMELEC checkpoint at nakatanggap ng impormasyon mula sa isang informant hinggil sa nabanggit na mga personalidad.
Sa pagsusuri nang nirereport na sasakyan na isang Mitsubishi Mirage G4 na may plakang numero, napagtanto na ang driver at ang pasahero sa harap ay hindi nakasuot ng seat belts na nagresulta sa pag-isyu ng Temporary Operator’s Permit (TOP) at habang iniinspeksyon ang iba pang dokumento ng sasakyan, napansin ng mga operatiba ang kahina-hinalang bagahe na nasa kaha.
Sa pagsusuri, lumitaw na ang nabanggit na bagahe ay puno ng mga shark fins at sea cucumbers.
Nakumpiska ang isang daan at dalawampu’t dalawang (122) piraso ng Shark Fins na naka-ayos sa isang asul na plastic container;
walumput dalawang (82) piraso ng Sea Cucumbers na nasa isang plastik na kahon; at ang sasakyan na pangpuslit.
Samantala, ang mga inarestong suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9147 habang ang mga nakumpiskang ebidensya ay hawak na ng Roxas MPS.
Discussion about this post