Dalawang insidente ng pananaksak ang naiulat sa magkahiwalay na insidente sa Sitio Bubulongan, Brgy. Corong-corong, El Nido, Palawan kahapon ng gabi, Mayo 25.
Kinilala ang mga biktima na sina Cecilia Abon Macanas, 62 taong gulang, may asawa, housewife at residente ng Brgy. Salvacion, Busuanga, Palawan at Roy Elmedorial Tispeña, 28 years old, binata, construction worker na residente naman ng Brgy. Calawag, Taytay, Palawan habang ang suspek ay si Rocky Chavez Sebido, 40 taong gulang, binata, electrician at residente ng Brgy. Burirao, Narra, Palawan at isang john doe.
Base sa spot report ng Palawan Police Provincial Office (PPO), naganap umano ang unang insidente bandang ika-5:30 ng hapon nang mag-inuman ang biktima at ang tiyuhin niyang si Nestor Galvez Tispeña, 50 taong gulang, construction worker at residente ng Guimaras, Nueva Valencia kasama ang iba pang trabahante sa construction camp ng nabanggit na lugar nang magtalo umano ang kanyang tiyuhin at ang suspek na si Sebido.
Sinubukan umano ng biktima na payapain ang komosyon ngunit aksidente niyang naitulak ang suspek na ikinagalit ng huli at sinaksak siya sa ibabang bahagi ng kanyang tiyan gamit ang isang kutsilyo.
Agad umanong dinala ang biktimang si Tispeña sa 4k Medical Clinic sa Brgy. Maligaya, El Nido, Palawan upang maipagamot habang inaresto ng rumesponding El Nido MPS personnel ang nanaksak na indibidwal na sa ngayon ay nasa kanila na ring kustodiya para sa tamang disposisyon.
Pagsapit naman ng ika-8:15 ng gabi nang saksakin ang isang senior citizen ng hindi pa nakilalang suspek. Ayon sa PNP, habang mag-isang natutulog ang ginang sa kanyang silid ay pumasok umano ang suspek at sa hindi pa malamang kadahilanan ay sinaksak ang biktima sa kanang bahagi ng kanyang mukha. Agad umanong tumakas ang suspek sa hindi pa malamang direksyon nang sumigaw ang biktima upang humingi ng tulong.
Nagtamo naman umano ng sugat ang biktima sa kanyang mukha at agad na dinala sa Rural Health Unit upang maipagamot. Sa kasalukuyan ay isinasagawa na ng pulisya ang follow-up investigation upang makuha ang pagkakilanan ng suspek at tungo sa kanyang pagkakaaresto.
Discussion about this post