Hindi na nakapalag pa ang dalawang lalaki na umano’y sangkot sa iligal na droga matapos magkasa ng drug buy-bust operation ang mga awtoridad ng Palawan Provincial Police Office Drug Enforcement Unit (PDEU) katuwang ang Aborlan Municipal Police Station (MPS) at sa pakikipagtulungan sa PDEA 4B, noong Pebrero 23, sa Brgy. Iraan, Aborlan, Palawan.
Ang mga naaresto ay kinilala bilang sina alyas, “Bogart,” 30-anyos, kusinero, residente ng Brgy. Mabuhay, Puerto Princesa City; alias “Caca” 28-anyos, at residente ng Brgy. San Jose, Puerto Princesa City.
Ayon sa ulat ng Palawan Police Provincial Office (PPO), Ang poseur buyer ay nakabili ng dalawang (2) piraso ng plastic sachets na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu at nagkakahalaga ng PhP 17,000.00 mula sa mga suspek.
Narekober mula sa kanilang pag-aari, kontrol at pangangalaga ang mga sumusunod: limang (5) piraso ng heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng puting kristaladong substansiya na pinaniniwalaang methamphetamine hydrochloride o “shabu”; isang (1) piraso ng kulay kayumanggi na pouch; isang (1) piraso ng maliit na kahon (kulay pula); isang (1) piraso ng berdeng posporo; apat (4) na piraso ng PhP 500.00 bills (tunay na pera); labindalawang (15) na piraso ng PhP 1,000.00 bills (boodle money); at isang (1) unit ng Suzuki Raider Motorcycle (kulay itim). Ang kabuuang tinatayang timbang ng mga konpiskadong droga, kasama na ang nabiling mga ito, ay 5 gramo at may tinatayang halaga sa merkado na umaabot sa PhP 17,000.00.
Ang mga suspek ay nasa pangangalaga na ng Aborlan MPS at ihaharap sa korte para sa tamang disposisyon.
Discussion about this post