Wala ng buhay nang maisugod sa ospital ang isang lalaking dayuhan matapos na maaksidente sa sinasakyan nitong motor sa National Highway ng Barangay Jolo, Roxas, Palawan pasado 7:30 ng gabi noong Marso 13.
Natukoy ang biktima na isang American National, 58-anyos, at nakatira sa Barangay Bacungan sa lungsod ng Puerto Princesa.
Sa imbestigasyon ng pulisya, habang binabaybay umano ng biktima ang kahabaan ng Roxas na patungong Puerto ay nawalan umano ito ng kontrol sa manubela ng motor nito dahilan upang mag-overshoot ang dayuhan sa gilid ng kalsada.
Agad na isinugod ng mga rumespondeng tauhan ng MDRRMO ang biktima sa Roxas Medicare Hospital ngunit idineklara ring dead on arrival ng sumuring doctor dahil sa matinding sugat sa ulo na tinamo nito.
Samantala, kasalukuyang nakalagak ang labi ng biktima sa Solivio Funeral Homes habang ang motor nito ay nasa kustodiya ng Roxas MPS para sa tamang disposisyon.