Arestado sa ikinasang drug buy bust operation sa Barangay San Jose kagabi, ika-9 ng Agosto, ang tatlong kalalakihan at isa dito ay itinurong suspek sa tangkang pagdukot sa biktima sa Barangay Mandaragat, lungsod ng Puerto Princesa.
Naging basehan ng PNP ang naging salaysay ng biktima na mayroong tattoo sa kamay ang natandaan niyang isa sa mga kalalakihang nag-kidnap attempt.
Sa press conference na isinagawa kanina ng Puerto Princesa City Police Office, na ayon kay Police Major Alta Xerxes Cabillage Station Commander ng Police Station 1, nakatanggap sila ng impormasyon sa ginawang operasyon ng CDEU, at kanina ay pinakumpirma sa biktima ang suspek.
“Mayroon pong information sa amin na dumating na pinakita at kinumpirma sa atin ng biktima na may markings yung tattoo ng suspek at saka yung boses po at hindi nagkakamali ang biktima na yung suspek ang humawak sa kanya na nakita at the time, at siya rin ang nagpatunay kung sino yung tao na humawak sa kanya”, ani ni Cabillage.
Ayon naman kay City Information Officer Richard Ligad, ang nangyaring insidente sa biktima ay hindi scenario at alam ng biktima kung ano ang nangyari sa kanya dahil natatandaan niya yong tattoo, boses, at itsura ng suspek.
“Alam na alam niya kung ano ang nangyari sa kanya yung natatandaan niya yung tattoo, boses, at itsura kasi nakita niya e, review narin yung mga interview sa kanya kahapon, ngayon hindi ito, walang rason para sabihin natin iwanan natin ang isang kaso, nagkataon lang ang isang kasong nauna na wala tayong makausap, walang makapagsabi sa atin na ito yung nangyari diyan, kaya nangangapa tayo”, Ani ni Ligad.
Aniya, ang pagkakaroon ng CCTV footage ay malaking tulong sa imbestigasyon upang sa ikalulutas sa kaso.
Hindi pa tinukoy ng PNP ang pagkakakilanlan ng suspek ngunit ito ay kasalukuyang naninirahan sa lungsod at magpapatuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay ng insidente.
Samantala, maliban sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ay posible pang maharap pa sa ibang kaso ang isa sa tatlong suspek na tinuturo ng biktima.
Discussion about this post