Nasawi ang isang menor de edad na motorista matapos maaksidente sa kahabaan ng National Highway sa Barangay Maasin, Brooke’s Point, Palawan, nito lang Setyembre 5, pasado 7:15 ng gabi. Ang walang malay na biktima, nagulungan pa ng kapwa motorista.
Ayon sa ibinahaging impormasyon ng Palawan Police Provincial Office (PPO), residente umano ng nabanggit na lugar ang biktima at minamaneho ang isang Rusi na motorsiklo nang mangyare ang aksidente.
Base sa inisyal na imbesitigasyon ng pulisya, isang residente sa nabanggit na lugar ang nakarinig nang ingay ng aksidente. Nang labasin at silipin, ay doon na nakita ang motorista na nakahandusay sa kalsada at walang malay.
Ayon pa sa pulisya, isang kapwa motorista na menor de edad at residente rin ng nasabing barangay ang paparating at hindi napansin ang biktima na nakahandusay sa kalsada. Sa hindi inaasahang pagkakataon, nagulungan umano nito ang biktima.
Dagdag pa, nang makarating ang mga kapulisan ng Brooke’s Point MPS sa lugar ay wala na umano ang biktima at naisugod na sa Southern Palawan Provincial Hospital (SPPH) para sa atensyong medikal. Sa kasamaang palad, idineklara itong dead on arrival ng sumuring doktor.
Ayon sa sumuring doktor, matinding pinsala sa ulo ang ikinasawi ng biktima sa naunang aksidente.
Kaugnay nito, sumuko naman sa pulisya ang motoristang nakasagasa sa biktima.