Nasawi ang isang motorista matapos umanong sumalpok sa isang heavy equipment na backhoe sa kahabaan ng National Highway ng Barangay Pulot Shore, Sofronio Española, pasado alas-5:00 kaninang madaling araw, Agosto 17.
Kinilala ang biktima sa alyas na “Bobby”, 37-anyos, at residente ng parehong barangay.
Ayon sa report ng Sofronio Española Municipal Police Station (MPS), nanggaling umano sa isang birthday party ang biktima at pauwi na sa kanilang tahanan nang mangyare ang aksidente.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, sakay si “Bobby” ng isang motorsiklong Honda XRM at binabaybay ang kahabaan ng Brgy. Pulot Shore nang aksidente nitong masalpok ang isang construction warning device at ang isang backhoe na ginagamit sa isinasagawang konstruksyon at rehabilitasyon ng drainage sa lugar at tuluyang mahulog dito.
Dahil dito, nagtamo ng matinding pinsala sa katawan ang biktima na agad namang isinugod sa Sofronio Española District Hospital (SEDH) ng mga rumespondeng kawani ng MDRRMO para sa agarang medikal na atensyon.
Sa kasamaang palad ay idineklara si “Bobby” na Dead on Arrival (DOA) ng sumuring doktor.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang motorisklo para sa tamang disposisyon.