Wala ng buhay nang dalhin sa pagamutan ang isang 33-anyos na construction worker matapos maaksidente sa kahabaan ng Barangay Ipilan, Brooke’s Point, nito lang gabi ng Agosto 18, bandang 8:20 PM.
Natukoy ang biktima na si alyas “Rodel”, residente ng Brgy. Barong-barong, sa parehong bayan.
Ayon sa ulat ng Brooke’s Point Municipal Police Station (MPS), pasado alas-sais ng gabi ng parehong araw ay tumungo ang biktima sa bahay ng kaibigan ng kaniyang kapatid upang makipag-inuman.
Ayon pa sa ulat, habang pauwi na ang biktima at tinatahak ang kahabaan ng kalsada ng Brgy. Ipilan ay nawalan umano ng kontrol sa manibela ng motorsiklo si “Rodel” dahilan upang tuluyang madisgrasya.
Dinala pa ang biktima sa Southern Palawan Provincial Hospital (SPPH) para sa agarang atensyong medikal ngunit idineklara ring dead on arrival ng sumuring doktor.