Bagama’t wala pang instruksyon mula sa pamunuan ng Pambansang Pulisya, anumang oras, handa ang lahat para tumugon at ipatupad ang nararapat, lalo na kung kapakanan ng kaligtasan at seguridad ng bawat isa ang prayoridad.
Ito ang maikling nguni’t makahulugang pahayag ni Police Liutenant Colonel Mark Allen Palacio, tagapagsalita ng PPCPO, kaugnay ng napabalitang nasyunal na pinasisimulan nang ipamonitor ng Philippine National Police (PNP) ang mga nasa likod ng bentahan ng mga imported na mga paputok sa internet o online.
Sinabi ni Palacio, bagama’t wala pa sa kanilang instruksyon, anuman ang kaatasan ay matapat nilang ipatutupad sa lahat, upang magkaroon ng matiwasay na pagdiriwang ng Pasko hanggang Bagong Taon sa lugar.
Sa pagnanais ng Pambansang Pulisya, upang maiwasan ang paglaganap ng aksidente o disgrasya sa paggamit ng ipinagbabawal at malalakas na paputok ngayong Kapaskuhan at pagsalubong sa Bagong Taon, kailangan ang ibayong pag-iingat.
Base sa Republic Act No. 7183, ang mga lalabag ay mahaharap sa multa na aabot sa P30,000 o pagkakulong ng hanggang isang taon o parehong ipapataw alinsunod diskresyon ng korte, bukod pa sa pagkakansela ng kanilang license at business permit, habang ang kanilang mga stocks ay kukumpiskahin.
Samantala sa panayam ng Palawan Daily kay Superintendent Herald R. Castillo, opisyal ng Bureau of Fire Protection na dating nakatalaga sa Regional Command, sa ngayon ay wala pa silang natatanggap na kaatasan, nguni’t anumang tamang pamamaraan ay kanilang ipatutupad para sa ligtas na pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.
Nabatid na nakikipag-ugnayan na ang Philippine National Police sa mga tauhan ng PNP Anti Cybercrime Group upang tukuyin at hulihin ang mga iligal na nagbebenta ng mga ipinagbabawal at imported na paputok sa bansa.
Base sa impormasyon na inilahad ng PNP, ipinagbabawal ang mga paputok o firecrackers na may mga katulad na sumusunod na katangian gaya ng:
Overweight (hindi hihigit sa 0.2-gram o hindi hihigit sa one third ng teaspoon)
Oversized gaya ng super lolo, giant whistle bomb, at iba pa
Fuse na hindi dapat masunog ng wala pang tatlong segundo subalit hindi hihigit sa anim na segundo
Imported finished products
Mixture ng phosphorus o sulfur na mayroong chlorate
Matatandaan na nitong nakalipas lamang na ika-8 ng Disyembre, opisyal na isinapubliko ang mga ipinagbabawal na paputok sa bansa gaya ng: Goodbye Bading, Goodbye Covid, Kwiton Parachute, Kwiton Bomb, Bin Laden, Special Pla-pla, Kabasi, Atomic, Coke-in-Can, Ggiant Atomic at Goodbye Philippines.
Kasabay nito ang mariing paghimok sa mga mamamayan na tangkilikin ang paggamit o pagbili ng mga gawang lokal bilang suporta sa industriya nito.
Discussion about this post