Sugatan ang drayber at walong pasahero nito matapos madisgrasya ang isang Toyota Hi-Ace commuter van sa kahabaan ng National Highway ng Barangay Aramaywan, sa bayan ng Narra, kahapon, Agosto 26, pasado 2:30 ng hapon.
Ayon sa report ng Narra Municipal Police Station (MPS), minamaneho umano ng isang alyas “Rey”, 51-anyos, at residente ng Brgy. Tiniguiban, Puerto Princesa, ang naturang Toyota Hi-Ace.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, habang binabaybay ng pampasaherong van ang kahabaan ng Brgy. Aramaywan mula Brooke’s Point patungong lungsod, pagdating sa lugar ng insidente ay dumulas umano ang gulong ng van dahilan upang mawalan ng kontrol sa manibela ang drayber at tuluyang madisgrasya sa bahaging kaliwa ng kalsada.
Dahil dito, nagtamo ng bahagyang mga sugat sa katawan ang mga biktima na agad namang isinugod sa pagamutan.
Ang bayan ng Narra ay isa sa mga lugar sa lalawigan na kasalukuyang nakararanas ng masamang panahon dulot ng Southwest Monsoon o Habagat.