Pasahero ng pickup, patay sa aksidente sa bayan ng Taytay

Photo from Palawan Provincial Police Office (PPO)

Patay ang isa sa anim na pasahero ng pickup matapos na mawalan ng kontrol ang drayber nito sa Poblacion, Taytay, Palawan, noong Disyembre 11.
Sangkot sa aksidente ang isang Yamaha scooter na minamaneho ni Christine Jane M. Cajada habang si Reynaldo S. Bacaycay naman ang nagmamaneho ng Ford Ranger na pickup.
Ayon sa Palawan Provincial Police Office (PPO), patungo umanong San Vicente ang scooter na nanggaling ng Taytay habang patungong El Nido naman ang pickup na galing ng Narra nang sa hindi inaasahan ay masagi nito ang motorsiklo na bumagsak sa tabi ng daan.
Agad naman itinabig ng drayber ng pickup ang manibela na lumiko sa kaliwang bahagi ng kalsada bago mawalan ng kontrol. Isa sa pasahero nito ang tumalon sa sasakyan at bumagsak sa kalsada.
Naisugod pa sa ospital ang nasabing pasahero ngunit idineklara ring patay ng sumuring doctor.
Samantala, kasalukoyan namang nagpapagaling din sa ospital ang drayber ng motorsiklo na nagtamo ng sugat sa iba’t ibang parte ng katawan nito.
Exit mobile version