Binabaan ng show cause order kahapon ng Martes, Marso 7, ang labing-apat (14) na kasalukuyang suspendidong kawani ng Provincial Mining Regulatory Board (PMRB).
Bunsod ang show cause order sa mga di-umano’y reklamong pangongotong o extortion na nagmula sa iilang lehitimong quarry operators at haulers laban sa labing-apat na kawani ng PMRB Narra.
Sa sulat, inaatasang humarap sa tanggapan ng Provincial Administration Office upang magpaliwanag ang labing-apat na suspendidong indibidwal na sina;
Alfredo “Jun” Francisco (Team Leader ng PMRB Narra) kasama ang mga staff nito na sina Eddie Mariñas Jr., Lorejon Baalan, Errol Bernal, Nixon Buena, Jelode de Jesus, Marlon Donesa, Salvador Garcia, Jeffrey Llemos, Randy Parreñas, Ruben Quijano, John Carl Ramirez, Melvin Tomesa, at Eduardo Parreñas.
Matatandaan na pinatawan ng 30-day preventive suspension ng Pamahalaang Panlalawigan kamakailan ang mga nabanggit dahil sa pagkakasangkot ng mga ito sa reklamong di-umano’y pangongotong sa mga trucks na pagmamay-ari ng mga quarry operators at haulers tuwing dumadaan ito sa kanilang mga checkpoint areas sa nasabing bayan.
Ang pagpapatawag ay parte ng isinasagawang imbestigasyon ng Pamahalaang Panlalawigan ukol sa nabanggit na reklamo.
Discussion about this post