Isa ang nabiyayaan ng bagong saklay habang tatlumpu’t dalawa (32) naman ang nasukatan ng libreng customized wheelchair sa ilalim ng proyektong “Gulong ng Pag-Asa Project” na isinagawa sa Municipal Dome ng bayan ng Roxas, Palawan, nitong Lunes, Hulyo 28.
Ang proyektong ito ay isang inisyatibo mula sa Fenixia Foundation Inc. katuwang ang Local Government ng Roxas, at Provincial Government, sa ilalim ng pamumuno ni Gobernadora Amy Roa Alvarez at Bise Gobernador Onsoy Ola at iba pang mga lokal na ahensiya.
Layunin nito na magdisenyo ng mga wheelchair at saklay na naaangkop sa pisikal na pangangailangan ng bawat benepisyaryo. Sa pamamagitan ng detalyadong pagsusukat, masisiguro na ang mga ipagkakaloob na wheelchair ay makatutulong sa pagpapabuti ng kanilang mobility, kasarinlan, at kalidad ng buhay.
Ayon kay Jovie Nugas, Barangay Secretary ng Brgy. Antonino, malaki umano ang pasasalamat niya dahil isa sa mga kabarangay niya ang nakatanggap ng saklay. Aniya, limang taon na umano itong hindi makalakad at tanging ang lola lamang niya ang nag-aalalay.
“Nagpapasalamat po kami kay Gov. Amie at Mayor Pedy Sabando na nagkaroon ng Gulong ng Pag-Asa Project at isa sa aming baranggay ang naka-avail ng ganitong project. Maraming Salamat po!” ani ni Nugas.
Ayon naman kay Granflor Mar, isang kawani sa opisina ni Mayor Peddy Sabando, masaya umano ito dahil ito ang unang pagkakataon na nabisita at natulungan ang Roxaseno ng Fenexia.
“Sobrang saya namin na taga Roxas ba may ganitong partnership and provincial government. First time ng Ricas na may NGO na ganito,” saad ni Mar.