Matapos na matagumpay na mabuksan ang isang water system sa isang isla sa Bayan ng Roxas gamit ang Reverse Osmosis Desalination System, ibinalita ng pinuno ng Water Infrastructure Office (WIO) ng Provincial Government of Palawan na mayroon pang nakasalang na kahalintulad na mga proyekto sa Lalagiwan ng Palawan.
Ayon sa chief ng WIO na si Engr. Ann Michelle Cardenas, matatapos na rin ang Reverse Osmosis (RO) project sa Mangsee, Balabac na isa ring isla na maraming naninirahan na tinatayang mayroong 1,000 kabahayan ngunit wala ring maayos na source ng tubig. Aniya, kadalasan ay sa bansang Malaysia sila umiigib ng tubig.
“Kung ang Mangsee ‘yong pinakadulong ng Palawan sa south, mayroon din tayong Tara, ‘yong pinakadulong island [barangay] sa [northern] Palawan; doon ‘yan sa Coron,” dagdag pa ni Engr. Cardenas. Ang nasabing lugar ay tinataya umanong mayroong 200 kabahayan.
Parating na rin umano ang para sa mga Bayan ng Cagayancillo at Magsaysay, sa hilaga pa ring bahagi ng Palawan.
Aniya, sa mga Reverse Osmosis Desalination System projects sa Palawan, pinakamalaki sa mga ito ang ilalagay sa munisipyo ng Cagayancillo na ang mapaglilingkuran ay nasa 15,00 to 20,000 mga katao at poponduhan ng P60 milyon.
Sa Bayan ng Magsaysay naman, lalagyan ng water system projects ang apat sa 11 sakop nitong barangay kung saan, ang dalawang island barangay na Cocoro at Alcoba ay bibigyan ng RO projects habang ang mga barangay ng Danawan (Poblacion) at Balaguen ay bibigyan ng solar-powered dahil may available naman silang underwater source ng tubig.
“Ang Reverse Osmosis Desalination System, ‘yan ‘yong equipment that involves the process of converting sea water, [‘yong] tubig-alat, idadaan doon sa RO machine natin kung saan, ihihiwalay nito ‘yong salt at saka tubig mismo. So, ang magiging product nito, ang Reverse Osmosis Desalination dispenses a high grade potable water,” ani Cardenas.
Samantala, ang Green Island, na 10 kilometro ang layo sa mainland Roxas, ang unang napagtayuan ng RO project sa lalawigan sa ilalim ng Province-wide Infrastructure Office ng Provincial Government.
Discussion about this post