Nagsagawa ng makabuluhang pagkilala ang Pamahalaang Panlalawigan sa mga senior citizens ng Bataraza matapos ipagkaloob ang local social pension sa 551 indibidwal nitong nagdaang Mayo 2-5.
Ito ay bahagi ng patuloy na pagsuporta ng pamahalaan sa mga matatanda, na naglalayong magbigay ng tulong pinansyal upang matugunan ang kanilang pangunahing mga pangangailangan.
Ang Local Social Pension Program ay isang inisyatiba ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan upang magbigay ng regular na tulong pinansyal sa mga senior citizens. Sa tulong ng nasabing programa, nakapaglaan ang pamahalaan ng espesyal na alokasyon para sa Bataraza, kung saan 551 senior citizens ang naging benepisyaryo nito o nasa P826,500 ang kabuuang naibigay.
Ang tulong pinansyal na ito ay inaasahang magiging malaking tulong sa mga senior citizen ng Bataraza, lalo na sa mga ito nangangailangan ng karagdagang suporta sa pang araw-araw, kabilang ang pagkakaroon ng sapat na panggastos para sa pagkain, gamot, at iba pang mahahalagang serbisyo.
Ayon sa mga kinatawan ng Pamahalaang Panlalawigan, patuloy nilang susuportahan ang mga programa at patakaran na naglalayong mapangalagaan at mapabuti ang kapakanan ng mga senior citizen sa lalawigan.
Ang mga benepisyaryo ng Local Social Pension ay hinihikayat na gamitin nang wasto ang natanggap nilang tulong pinansyal at patuloy na makipag-ugnayan sa lokal a pamahalaan upang mabigyan ng agarang tulong at serbisyo.
Sa pamamagitan nang pagkakaloob ng Local Social Pension Program, patuloy na pinapalakas ng Pamahalaang Panlalawigan ang pagpapahalaga at paggalang sa mga senior citizens bilang mga mahalagang bahagi ng komunidad.
Discussion about this post